Trader patay sa tandem; 8-anyos sugatan sa ligaw na bala

Nabulabog ang parking lot sa may Humabon St., Brgy. Magallanes sa Makati City makaraang ratratin dito ang isang 24-anyos na negosyante na nasawi sa insidente habang isang paslit din ang nasugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala na pinakawalan ng riding-in-tandem na suspect.  (Kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Patay ang isang 24-anyos na trader nang pagbabarilin ito ng ri­ding-in-tandem habang sugatan naman ang isang 8-taong gulang na batang lalaki matapos naman itong tamaan ng ligaw na bala, kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Dead-on-arrival sa San Juan De Dios Hospital  ang biktimang si Rodante Argie Mahinay, nasa buy and sell business, ng Dimasalang St., Pasay City sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa leeg at katawan buhat sa kalibre .45 baril.

Nilapatan naman ng lunas sa Makati Medical Center (MMC) si Earl Jay Sarrial dela Peña, ng Brimico Park Avenue, Pasay City sanhi ng tinamong tama ng  bala sa kanang kamay. Nadamay din ang isang nakaparadang kulay gray na Toyota Altis na tinamaan din  ng ligaw na bala.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO3 Jayson David, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City  Police, naganap ang insidente sa may Humabon St., Brgy. Magallanes, Makati City.

Nabatid na galing ang biktima sa isang kilalang food chain  habang nag­lalakad sa may parking area sa lugar  ay biglang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka lulan ang mga suspek.

Walang sabi-sabing  pinagbabaril ang biktima dahilan upang duguan itong bumulagta habang  tinamaan naman ng ligaw bala ang batang si Dela Peña na malapit sa lugar maging ang nakapa­radang sasakyan.

Dali-daling isinugod ang mga biktima sa nabanggit na mga ospital,  subalit hindi na ito  uma­bot ng buhay si Mahinay. Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek. Blangko naman ang pulisya sa motibo sa naganap na krimen.

Show comments