Mag-utol patay sa sunog

MANILA, Philippines - Patay ang magka­patid na lolo nang makulong sa nasu­sunog nilang tahanan sa Marikina City, kahapon ng madaling-araw.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Fer­nando Pantig, 74, isang retiradong pulis at ang kapatid nitong si Boy Pantig, 64.

Sa ulat ng Marikina Bureau of Fire Pro­tection (BFP), mahim­bing ang tulog ng magkapatid sa kanilang bahay sa Russel St., SSS Village, Brgy. Concepcion Dos, ga­nap na alas-2:00 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog.

Nakarinig pa umano ng pagsabog ang mga residente, na pinani­niwalaang mula sa su­mabog na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG).

Ayon sa BFP,  uma­bot sa ikalawang alarma ang sunog at ganap na naapula ng alas-3:30 ng madaling-araw.

Sa isinagawang mopping operation na lamang natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng mga bik­tima, kung saan si Fernando ay nakita sa loob ng kanyang kuwarto habang si Boy naman ay sa hag­danan, pala­tandaang tinangka nitong lu­mabas ng bahay­.

Nabatid na walang ibang kasama sa bahay ang magka­patid dahil ang anak ni Fernando ay nasa Australia­ habang ang mga kaanak nila ay nasa Laguna.

Inaalam pa ng mga arson investigator  ang sanhi ng sunog gayundin ang halaga ng mga naabong ari-arian.

 

Show comments