Parak na napatay sa ratratan sa Caloocan, dawit din sa pagpaslang sa 2 niyang kabaro

MANILA, Philippines -  Sangkot din sa pagpaslang sa dalawa niyang kabaro ang parak na napatay sa naganap na barilan sa lungsod ng Caloocan noong Miyerkules ng madaling-araw.

Ito ang nabatid sa pa­tuloy na imbestigasyong isinasagawa kaugnay sa naganap na ratratan kung saan napatay ang mag-aama at ang pulis na si PO3  Ernesto Castillo.

Base sa record ng Caloocan City Police, nabatid, na naunang kinasuhan­ ng double murder at theft si PO3 Castillo dahil sa pagpatay sa kanyang mga kabaro na sina SPO1 Tom Perez at SPO1 Tirso Roncales noong Setyembre 4, 2012 sa Phase 8-B, Bagong Silang­ ng naturang lungsod­.

Dahil dito lalong tumibay ang ebidensiya na sangkot si Castillo sa pagpatay sa mag-aamang­ Manolito; Erickson at Audie Piccio ma­tapos na ang nakuhang baril na .9mm na ginamit  sa mga mag-aamang biktima ay ang service  firearm na naka-isyu kay  Perez, kasama ang dalawang M-16 at baril ni Roncales.

Matatandaan na dakong alas-12:00 kamakalawa ng madaling-araw ay pinagba­baril at napatay ang mag-aamang­ Piccio ng nasawing si Castillo at mga kasama nito habang nag-iinuman ang mga biktima sa harapan ng kanilang bahay sa Rose St., King Solomon, Camarin ng naturang siyudad­.

Sa kabila na may tama na ang mag-aama ay nagawa pa ring makaganti ng mga ito na doon naman nasawi ang pulis na si Castillo.

Sinasabing away pa­milya ang ugat sa na­turang pamamaril.

Show comments