Inakalang sugat lang ng paputok, yun pala’y may balang nakabaon: 1 pang paslit sapol sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Bala pala at hindi paputok ang tumama sa braso ng isang limang taong gulang na batang lalaki habang kandong ito ng kanyang ina noong Disyembre 31, 2012 sa Taguig City.

Ito ang nadiskubre kahapon lamang ng mga mang­gagamot sa Taguig Pateros District Hospital matapos isailalim sa x-ray  ang biktimang si Jason Ray Ibardaloza, residente ng Paso St., Brgy.  Bagumbayan ng nabanggit na lungsod nang dumaing ito sa sakit ng sugat na kanyang tinamo.

Ayon sa pahayag ng ina ng biktima na si Ma. Eva Ibardaloza, 42, kay Taguig City police chief Sr. Supt. Tomas Apolinario, inakala umano niya na dulot lamang ng paputok ang tinamong sugat ng kanyang anak sa kanang braso habang nakakandong ang bata at nanonood ng paputok sa harapan ng kanilang bahay bago maghiwalay ang taon kung kaya’t kinabukasan ay dinala niya ang biktima sa Sabili General Hospital upang maturukan ng anti-tetanus.

Kahapon ay muli niyang dinala ang bata sa Taguig Pateros District Hospital upang ipa-x-ray ang sugat dahil sa patuloy ng pagdaing ng pananakit ang anak at dito natuklasan na bala ng kalibre .22 na baril ang nakabaon sa braso ng biktima.

Iniutos na ni Apolinario ang masusing pagsisiyasat sa insidente upang alamin kung sino sa mga kapitbahay ng biktima ang nagpaputok ng baril.

 

Show comments