Nag-panic sa holdap, bebot tumalon sa bus kritikal

MANILA, Philippines - Isang hindi nakikilalang babae ang nasa malubhang kalagayan ngayon sa ospital matapos na tumalon sa isang bus dulot ng takot sa dalawang lalaking nagdeklara ng holdap sa loob nito sa lungsod Quezon kahapon  ng madaling araw.

Ayon kay PO3 Al Ponterada ng Quezon City Police Station 2, wala pa ring pagkakakilalan ang biktima na  inoobserbahan  ngayon sa Quezon City General Hospital dulot ng labis na pinsala sa ulo.

Nag-ugat umano ang naturang insidente habang ang biktima ay sakay ng Alro Transport bus (TXS-215) at tinatahak ang kahabaan ng Edsa ganap na alas 3:30 ng madaling-araw.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na galing ng Cubao ang naturang bus na may ruta na Letre-Malabon kung saan pasahero dito ang biktima at mga suspect.

Habang binabaybay ng bus ang kahabaan ng EDSA patungo sa direksiyon ng Balintawak kung saan pagsapit sa Fema Road  sa  may Bgy. Bahay Toro, dinikitan ng dalawang lalaki ang matandang babae at  nagdeklara ng holdap,

Ayon sa konduktor na si Redelito Lim, isa  sa mga holdaper ang tumutok ng balisong sa biktima kung kaya nag-panic ito at  tuma­lon sa bus para makaiwas.

Subalit, mali umano ang naging bagsak ng biktima sa kalsada dahilan para agad itong mawalan ng malay.

Hinihinala ding magpupunta sa Balintawak market dahil may dala umano itong basket. 

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments