Sa Makati City P100,000 aginaldo sa mga centenarian

MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa mga natatanging pinakamata­tandang residente ng lungsod, nagbigay ang pamahalaang lungsod ng Makati ng tig-P100,000 aginaldo sa lahat ng nakatatandang may edad 100-anyos pataas.

Inaprubahan kamakailan ng pamahalaang lungsod ng Makati ang P2 milyong pondo para sa pagbibigay ng aginaldo sa mga “centenarian” na may Blu Card.

Sinabi ni Mayor Erwin Binay­ na ang “one-time cash benefit” sa mga centenarian ay bilang pagkilala nila sa mga nakatatanda sa kontribusyon nila sa paghubog sa kasaysayan at pag-unlad ng Makati sa loob ng higit 100 taon nilang pamamalagi.

Ayon kay Ryan Barcelo, Makati Social Welfare Development officer-in-charge, nasa 9 na residente ang inisyal nilang nabigyan ng naturang P100,000 cash gift buhat sa mga Brgys. Comembo, Guada­lupe Viejo, Olympia, Das­mariñas, Forbes Park, Kasilawan, Bangkal, at San Lorenzo.

Sinabi naman ni Binay na nasa ilalim pa rin ng City Ordinance No. 2012-099 ang pagbibigay ng P100,000 cash gift sa mga Blu Card holders na may edad 100-pataas.  Ibibigay naman ang cash gift sa mga residente na umabot ng edad 100 sa buong taong 2012 ngunit pumanaw na sa kanilang mga kaanak.

Show comments