Sabihin mo na!

Dear Dr. Love,

Itago n’yo na lamang po ako sa pangalan Dadoy. Ako po ay 25 taong gulang at isa po akong construction worker. May gusto po ako kay Vivian na isa namang tindera sa canteen, na malapit sa construction site na aming pinagtatrabahuan. Magandang babae po si Vivian, maputi at balingkinitan ang katawan. Kaya ‘di na rin po ako nagtataka kung natitipuhan din siya ng aming construction manager na itatago ko na ang sa pangalang Carlo.

Batid ko naman po ang ginagawang panliligaw ni Sir Carlo kay Vivian. Tanggap ko naman po na lamang po siya sa akin sa lahat ng bagay. Bukod po kasi sa mayaman na, ay gwapo rin si Sir. Ang problema po ay may pamilya na si Sir Carlo, pero hindi niya ito sinasabi.

Napapansin ko rin na napapalapit na ang loob ni Vivian sa kanya. Ilang beses ko nang sinubukang sabihin kay Vivian ang tungkol kay Sir Carlo. Gusto kong malaman niya ‘yung totoo.

Kaso lang, natatakot ako na baka hindi ako paniwalaan ni Vivian, lalo na at alam niyang gusto ko rin siya.

Natatakot din ako sa posibilidad na mawalan ako ng trabaho  kapag nalaman ni Sir Carlo na ako ang nagsabi kay Vivian tungkol sa kanyang pamilya.

Sana po ay matulungan ninyo ako.

Dadoy

Dear Dadoy,

Huwag kang matakot na ipagtapat kay Vi-vian ‘yung totoo. Kung sa ngayon ay may pag-aalinlang pa d’yan sa puso mo at takot sa mga posibleng mangyari dahil sa gagawin mo, isipin mo rin na mas mabuting masabi mo sa kanya ang katotohanan habang hindi pa huli ang lahat.

Hindi lang ikaw at si Vivian ang pwedeng maapektuhan kung sakaling tuluyan nang mahulog sa amo mo ang dalaga, kundi pati na rin ang kaniyang pamilya.

Mas nararapat na pag-isipan mo muna iyan ng mabuti at humingi ka rin ng tulong sa Panginoon upang magabayan ka Niya sa kung ano man ang  desisyon at ang gagawin mo ng hindi kayo mapahamak ni Vivian.

DR. LOVE

Show comments