Mahilig mangutang ang partner

Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lang p akong Tanggol. Ok ang pagsasama namin ng aking ka-live in sa mga unang taon. Pero habang tumatagal ay parang kalbaryo na ang kalagayan ko sa kanya. Mahilig po kasi siyang mangutang para mabili ang mga gusto niya. Bagamat para ‘yun sa aming bahay. Pero ang punto ko ay ako ang naiiwang baon sa utang dahil wala naman siyang pambayad.

Maraming beses ko na siyang kinausap tungkol sa pangungutang niya. Na-appreciate ko naman na gusto niyang maging maayos ang aming bahay. Pero hindi po biro ang mga halagang inuutang niya. Manong tanungin niya muna ako kung ok lang at kung may pambayad kami para hindi magkapatong-patong ang mga bayarin.

Magpi-pitong taon na kaming nagsasama, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagbabago. Nitong huli ang malalang sagutan namin. Mas ginusto ko na lang umalis ng bahay para magkaroon ng katahimikan ang hating-gabi ko. Galing ako sa isang kliyente na sa kahihintay ay inabot ng alangining oras. Pagod po ako noong araw na ‘yun at gusto ko na sanang mahiga para matulog, pero sinalubong ako ng singhal ng ka-live in ko dahil sa panggigipit umano ng naniningil ng utang sa kanya.

Dr. Love parang wala nang nangyayaring maganda sa relasyon namin. Nag-aaway lang kami dahil mukhang wala siyang planong pa-kinggan ako. Wala pa kaming anak hanggang ngayon at dahil sa mga pagkakaiba namin ay nakakaisip na akong makipaghiwalay sa kanya.

Pagpayuhan po ninyo ako kung tama ba ang pinaplano kong ito.

Maraming salamat po.

Tanggol

Dear Tanggol,

Ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng relasyon ay normal lang. Ang susi para malutas ito ay mag-usap kayo ng mahinahon at may pang-unawa. Kung minsan, hindi nadadala sa isang usapan o dalawa, kaya ang maipapayo ko ay ma-ging mahinahon ka.

Makakatulong para maunawaan ninyo ang isa’t isa, pahupain n’yo muna ang tensiyon sa pagitan ninyo at saka ka maglambing sa kanya tungkol sa isyu ninyo.

Kung minsan, may pagkakataon na nami-misinterpret natin ang ating partner sa mga bagay-bagay. Pero subukan mo munang pairalin ang pang-una-wa sa kanya at kung bakit sa pananaw mo ay pinangungunahan ka niya sa pagdedesisyon.

Dahil maaaring may dahilan siya.

Hangad ko ang matiwasay na pagsasama ninyo at sana dumating ang araw na maikonsidera ninyo ang magpakasal.

DR. LOVE

Show comments