Paulit-ulit na panaginip
Dear Dr. Love,
Hindi ko maintindihan ang isang panaginip na paulit-ulit kong nararanasan. Ilang beses ko nang napapanaginipan na ang asawa ko na nasa abroad ay nambababae. Dahil sa pagkabagabag ng kalooban, sinubukan kong magpahula tungkol dito.
Ang sabi ng manghuhula, totoo ang aking napapanaginipan. Hindi ko naman sineryoso ang hula, hula lang kasi. Pero dalawang sunod na araw iisa ang panaginip ko. Base sa panaginip, nakita ko na dalawa hanggang tatlong babae ang lumalandi sa asawa ko.
Nag-aalala na ako baka totoo nga ang panaginip ko. Kapag totoo ‘yun, humanda siya sa akin.
Nang magkausap kami online, hindi ko binabanggit sa kanya ang napapanaginipan ko. Hinihintay ko lang na madulas siya.
Pero naisip ko rin na unfair naman sa asawa ko kung hindi naman totoo. Kaya pinipigilan ko ang aking sarili na mabanggit ang tungkol sa aking panaginip.
Dumarating sa point na hindi ko na alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Paano ko po mao-overcome ito?
Ana
Dear Ana,
Karaniwan ang napapanaginipan natin ay ang laging laman ng ating isip. Nangangahulugan lamang ito kung gaano mo ka-miss ang asawa mo. Tama ka sa pagsasabing unfair kung hindi totoo ang panaginip maging ang hula. Kaya huwag mong pagkamalian ang panaginip sa reyalidad, maliban na lang kung may sapat kang basehan.
Makakabuti kung itutuon mo ang iyong isip sa mga magagandang bagay tungkol sa pagsasama ninyong mag-asawa. Gawin mong mas aktibo ang komunikasyon ninyo sa isa’t isa at laging mo ipaalala kung gaano mo siya kamahal.
Ipagdasal mo lagi ang iyong asawa, na iligtas sa anumang temtasyon at panganib, lalo na sa pagkakasakit. Hingin mo rin ang gabay ng Diyos para matigil na ang paulit-ulit mong panaginip.
Dr. Love
- Latest
















