Caregiver

Dear Dr. Love,

Halos tatlong taon na akong nagtatrabaho rito sa Orlando, Florida bilang isang caregiver. Tawagin mo na lang akong Lucy, 30 years old at dalaga pa. Marami na rin akong pasyenteng matatanda na inalagaan at ang iba’y nangamatay na sa katandaan.

May inaaruga ako ngayon na isang black American, 45-anyos lang siya ngunit diniborsyo ng asawa matapos mabalda dahil sa isang aksidente. Elton ang pangalan niya. Namatay na ang dati niyang asawa dahil sa malubhang sakit na biglang dumapo sa kanya. Marahil, siya ay nakarma sa ginawa niyang pagtalikod sa asawa sa panahong higit nitong kailangan ang paglingap at pagmamahal.

Bilanggo na si Elton sa kanyang silyang de gulong dahil hindi na makalakad. Pero isa siyang mayaman dahil sa namana niya sa mga bilyonaryo niyang mga magulang. Nag-iisa siyang anak.

Laking gulat ko nang mag-propose siya ng pag-ibig sa akin. Sa totoo lang, may crush din ako sa kanya dahil sa kabila ng kanyang kalagayan ay guwapo siya at maganda ang tinig. May nag-iisa siyang anak na pinamanahan na niya ng malaking parte ng kanyang estate at hindi na rin siya dina-dalaw. Naaawa ako sa kanya kaya lalung nahulog ang loob ko.

Tama po bang tumango ako sa kanyang love proposal? Hindi kaya ako lalabas na nagsasamantala?

Lucy

Dear Lucy,

Kung tunay ang nadarama mong pag-ibig sa kanya, walang masama na tanggapin mo ang kanyang inaalok na pag-ibig. Ngunit kung ang motibasyon mo ay upang makibahagi sa kanyang kayamanan, bad iyan at makabubuting huwag mo nang ituloy. Hindi kita hinuhusgahan sa magiging desisyon mo. Pinapaalalahanan lamang kita na ang pagpasok sa relasyon na walang pag-ibig ay hindi makabubuti kailanman.

Marahil, nakita ng lalaki ang kakaibang pag-aa-sikaso mo sa kanya na hindi niya nakita sa kanyang asawa na humiwalay agad sa kanya komo isa na siyang may kapansanan. Payo ko, mag-isip kang mabuti at tiyaking mahal mo nga ang lalaking iyan, na sa kabila ng kapansanan ay handa mong lingapin habang kapwa kayo nabubuhay.

Dr. Love

Show comments