Erotic Hubby

Dear Dr. Love,

Pareho na kaming may edad ng mister ko at ni sa hinagap ay hindi ko naisip na darating ang araw na magiging erotic siya pagdating sa aming intimate moment.

Very traditional po ang kinalakihan kong pamilya at naniniwala akong ganon din siya. Kaya naman ikinabigla ko nang husto ang pagka-wild niya.

Una kong napansin ang pagkahumaling niya sa mga pornographic videos, na kinawiwilihan niyang panoorin kapag ako ay tulog na. Nang mahuli ko siya ay niyayaya niya akong sabay kaming manood.

Hindi ko po ma-take ‘yun kaya tumanggi ako sa kanyang pantasya.

Nitong huli ay napagdidiskitahan naman niya akong pagsuotin ng mga sexy negligee at pinapag-pose pa, pampagana aniya dahil kami raw ay pareho nang matanda at gusto niyang maranasan ang mga bagay na hindi namin nagawa noong aming kabataan.

Mahal ko po ang asawa ko, pero hindi ko maatim ang pinagagawa niya. Marami na akong bilbil para magsuot pa ng mga pang-sexy na damit. Pero ang sabi niya ay pasayahin ko raw siya dahil baka maibaling pa niya sa iba ang pansin.

Ito po ang ikinababahala ko ngayon, Dr. Love. Sa palagay po ba ninyo ay posibleng totohanin ng mister ko ang banta niya. Hindi naman siya erotic noon at talagang naaasiwa ako sa istilo niyang ito.

Ano po ang dapat kong gawin para maibalik sa dati ang aming love, love sa isa’t isa na hindi na kailangan mag-seductive pose para siya ay ma-turn on.

Maraming salamat, Dr. Love sa payo mo at sana, itago mo po ako sa aking palayaw na Lin-Lin.

Gumagalang,

Lin-Lin

Dear Lin-Lin,

Ikaw ang higit na nakakakilala sa mister mo, kaya ikaw lang ang makakasagot sa tanong mo kung seseryosohin ba niya ang banta niyang pagbaling sa iba.

Sa tingin ko ay nage-experiment lamang ang iyong mister at hindi niya talaga gawain ang ganoon. Maaaring sinabi niya lang ‘yun para makumbinsi ka.

Pero kung ako sa’yo, tutal mag-asawa naman kayo, subukan mong pagbigyan kahit minsan ang kapritso ng mister mo. Mahirap rin na mabulid siya sa tukso.

Kalaunan ay unti-unti mo siyang hikayatin na bawasan ang panonood ng pornographic videos. Subukan mo rin na ipaalala sa kanya ang masaya at masiglang romansa ninyo sa mga nagdaang taon kahit na walang mga sex videos. Pero gawin mo ito sa malambing na paraan.

Dr. Love

Show comments