Lihim na sakit

Dear Dr. Love,

Bumabati po ako sa inyo at sa lahat ng suki ng inyong kolum.  Isa po ako sa mga avid readers ng inyong malaganap na kolum. Kaya po ako ay labis na umaasa na matutulungan ninyo ako sa aking problema.

Tawagin n’yo na lang akong Fidela, 23-taong gulang. Mayroon po akong kasintahan na niyayaya akong pakasalan siya.

Gumugulo po sa isip ko kung paano ko sasabihin sa kanya ang tungkol sa aking sakit. Ibig ko na rin pong mag-asawa dahil nasa edad na ako. Ngunit ang pangamba ko ay baka iwanan niya ako kapag nalaman niya ang karamdaman ko.

Pero natatakot naman po ako na malaman ng aking boyfriend na may sakit ako dahil baka iwanan niya ako. At ayaw ko rin naman na makahawa ako dahil nakakahawa raw ang sakit na ito.

Ano po kaya ang gagawin ko?

Fidela


Dear Fidela,

Hindi mo sinabi kung ano ang iyong sakit na sa pagkakalarawan mo ay napakalubha at nakakahawa. Wala na bang kagalingan ang sakit mo?

Pasuri ka muli sa doktor at tanungin mo kung puwede kang mag-asawa sa iyong kalagayan. Siya ang magbibigay ng payo sa iyo.

At sa kalagayan mo ngayon, karapatan ng mapapangasawa mo na malaman kung ano ang karamdaman mo kaya sabihin mo ito sa kanya.

Huwag kang mangamba kung iiwan ka man niya dahil masusukat mo kung tunay ang kanyang pag-ibig o hindi. Ang totoong pag-ibig ay hindi nahahadlangan ng ano mang karamdaman.

Dr. Love

Show comments