Ayaw nang maulit ang nakaraan

Dear Dr. Love,

Ang kaisa-isang anak ko ay dumanas ng depression matapos umurong ang kanyang girlfriend sa kanilang all-set nang kasal. Pero ngayon ay muli niya itong sinusuyo at inaalok ng kasal.

Sa totoo lang ay tinutulan ko ito, pero nananig parin ang damdamin ng isang ina at hinayaan ko na lamang ang aking anak sa kanyang matinding pagtatangi kay Mila.

Nagbakasyon sa Amerika si Mila makaraang umurong sa kasal nila ng aking anak. Hindi pa raw talaga kasi siya sigurado na magpakasal sa anak ko at dahil bumabalk din ang trauma niya sa unang nakarelasyon. Iniwan siya ng lalaki nang malamang buntis na.

Hindi lingid sa aking anak at sa aming pamilya niya ang nakaraan ni Mila, kasama na ang pagkakalaglag nang dinadala nito noon sa kanyang sinapupunan. Hind niya matanggap ang ginawa ng dating boyfriend na nakaapekto nang malaki sa kanyang pagbubuntis.

Noon pa man ay gusto na ni Angelo si Mila kaya niligawan niya ito sa kabila nang lahat at agad-agad na inalok ng kasal.

Ngayon ay tila nauulit ang senaryong ‘yun dahil sa napipinto nilang pagpapakasal muli. Balak kong hindi dumalo rito.

Tama po ba ang desisyon ko? Pinayuhan ako ng kapatid ko na huwag gawin ang balak ko at baka umatakeng muli ang depression ng aking anak.

Pagpayuhan po ninyo ako.

Maraming salamat po at mabuhay kayo.

Gumagalang,

Mama Pining

 

Dear Mama Pining,

Kung ang pagpapakasal sa babaeng mahal niya ang makakapagpapaligaya sa iyong anak at tuluyang maglalayo sa kanya sa depression, bakit ka hahadlang? Bilang ina, dapat sana’y sa’yo magmula ang suportang kailangan niya sa mahalagang bahaging ito ng kanyang buhay.

Hindi mo nabanggit kung ilang taon na si Angelo, pero sa palagay ko nasa hustong gulang na siya para magdesisyon para sa sariling buhay. Kung ako sa’yo, pakinggan mo ang kapatid mo at hayaang lumigaya ang iyong anak sa babaeng mahal niya.

DR. LOVE                

Show comments