Self-centered

Dear Dr. Love,

Magdadalawang taon na kaming mag-live in ng boyfriend ko. Inakala ko noon na natagpuan ko na sa kanya ang responsible partner, pero mas nakilala ko siya at nagdadalawang-isip na po ako kung ipagpapatuloy ko pa ang aming live-in arrangement.

Si Joel po ang nakaisip na mag-live in muna kami para magkakilala nang lubos bago lumagay sa tahimik. Mahal ko po siya, pero hindi na ako sigurado kung mahal niya rin ako.

Dr. Love, iba’t ibang babae po kasi ang dini-date niya at ang katwiran niya, dapat daw ay unawain ko siya sa bagay na ‘yun dahil ako naman daw ang tunay niyang mahal.

Sinabi niya na dati ay lagi siyang rejected dahil sa katayuan niya sa buhay. Kaya naman ngayon kahit may permanent partner na siya, kapag may nagkakagusto sa kanyang babae ay pinapatos niyang lahat.

Parang ego booster daw po, Dr. Love. Kaya kapag may nababalitaan daw ako na ka-date niya, huwag daw akong mag-alala dahil flirt lang ‘yun at ako lang ang tunay niyang minamahal.

Hindi po ako makapaniwala sa sinabi niya. Para sa akin, kung talagang mahal niya ako, hindi siya makakaisip na bigyan ako ng sama ng loob.

Tulungan po ninyo ako na maging tiyak ang desisyon ko. Gusto ko po malaman kung normal lang ba sa lalaki ang magkaroon ng maraming siyota at mayroong isa na tunay niyang mahal?

Sa kaso namin, sumasama po ang loob ko. Pero pinagtatawanan lang ako ni Joel at sinasabi na huwag ako maging masyadong self-centered.

Nagiging makasarili nga ba ako, Dr. Love? Payuhan po ninyo ako sa dapat kong gawin sa aming relasyon.

Maraming salamat po at hanggang sa uulitin.

Gumagalang,

Letty

Dear Letty,

Huwag mong sayangin ang buhay mo sa lalaking hindi marunong makuntento. Tinamaan ng magaling ‘yang boyfriend mo, gusto n’ya palang makipag-date nang maki­pag-date, huwag siyang pumasok sa commitment. At isa pa, laging babae ang lugi sa live-in kaya hindi ko ‘yan pinapaboran. Habang hindi pa nagbubunga ang pagbabahay-bahayan ninyo, kalasan mo na ang boyfriend mo. Dahil sa totoo lang siya ang tunay na self-centered.

DR. LOVE 

Show comments