Kapusukan

Dear Dr. Love,

Ipinaaabot ko sa inyo at sa lahat ng staff ng PS NGAYON at sa mga sumusubaybay sa inyong column ang isang maalab na pagbati at harinawang datnan kayo ng aking sulat na nasa mabuting kalusugan.

Ikubli n’yo na lang ang tunay kong pagkatao kung maaari. Tawagin n’yo na lang akong Mr. Aggresive.

Nakilala ko si Lyn at sa unang pagkakita ko pa lang ay tumibok na ang puso ko. Mahal na mahal ko siya. Subalit kahit mabait siya sa akin, lumipas ang tatlong buwan ay hindi ko pa mabanaagan ang pag-asa. 

Sa katunayan, may isang taon na kaming magkakilala. Sabi ko sa sarili ko, pinakamagandang gawin ay kaibiganin ko muna siya hanggang mahulog ang loob sa akin.

Inisip ko na sa tagal ng aming pagkikilala ay madali ko na siyang mapapasagot kung liligawan ko siya.

Akala ko ay may gusto rin siya sa akin komo very close kami at idinadaing niya ang ano mang problema niya sa akin. Ngunit nang huling­ magkausap kami at usisain ko ang aking idinudulog na pag-ibig sa kanya ay tinapat na niya ako.

Aniya ay kaibigang matalik lang ang turing niya sa akin.  Buo ang tiwala niya sa akin at suma­samang lumabas sa akin.

Nang minsang manood kami ng sine ay na­ging mapusok ako. Isinampay ko ang bisig ko sa kanyang balikat at nang hindi siya kumikibo ay pilit ko siyang hinagkan sa labi. Nagalit siya at iniwanan ako sa sinehan.

Nagsisisi ako sa aking nagawa. Dr. Love, papaano magbabalik ang tiwala niya sa akin?

Mr. Aggressive

Dear Mr. Aggressive,

Sayang, hindi ko alam kung magbabalik pa ang tiwala niya sa iyo. Pero humingi ka ng tawad at sabihin mong nagawa mo lang iyon sa tindi ng pagmamahal mo sa kanya.

Gaano man kalaki ang gusto mo sa babae ay hindi ka dapat gumamit ng dahas dahil sa iyong kapusukan.

Malay mo, kung nagtiyaga ka lang sa panliligaw sa mahinahong paraan ay baka nakuha mo pa siya.

As I said, humingi ka ng tawad at baka sakaling mapahinuhod mo siya.

Dr. Love

 

Show comments