Voucher Assistance Program batas na

MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na lumilikha sa Basic Education Voucher Assistance Program para sa mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12327, magtatatag ang pamahalaan ng pondo para sa voucher assistance na maaaring gamitin ng mga kuwalipikadong mag-aaral mula sa mahihirap at nangangailangang pamilya upang makapag-aral sa mga pribadong paaralang kabilang sa programa.

Sa pamamagitan ng batas, magkakaloob ang gobyerno ng educational vouchers sa mga kuwalipikadong mag-aaral upang makatulong sa pagbabayad ng matrikula at iba pang gastusin sa pag-aaral.

Saklaw ng programa ang lahat ng pribadong institusyong nagbibigay ng basic education na tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan, kabilang ang voucher assistance para sa mga mag-aaral, subsidiya para sa mga guro, at iba pang uri ng suporta sa mga paaralan.

Inaatasan naman ang Department of Education (DepEd) na itakda ang halaga ng voucher batay sa mga pag-aaral na isasagawa nito.

Muling rerepasuhin ang halaga ng voucher assistance kada tatlong taon upang maisaalang-alang ang epekto ng inflation at iba pang salik na nakaaapekto sa gastusin sa edukasyon.

Nakasaad din sa batas na mas mataas na halaga ng voucher assistance ang ipagkakaloob sa mga mag-aaral mula sa mga pamilyang mababa ang kita. Prayoridad din ang mga mag-aaral na nagmula sa mga pampublikong paaralan.

Layunin ng programa na mapalawak ang access sa dekalidad na edukas­yon at mabawasan ang pagsisikip ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan.

Show comments