MANILA, Philippines — Iginiit ng National Telecommunications Commission (NTC) na sinusunod nito ang due process sa pagsusuri sa performance ng mobile broadband service at sa mga hakbang nito laban sa mga problemang nakita sa serbisyo.
Kasunod nito, kinilala rin ng NTC ang hinaing na inilabas ng Philippine Chamber of Telecommunication Operators (PCTO) tungkol sa mga naging hakbang ng Komisyon sa pagsusuri ng mobile broadband service.
Ayon sa NTC, ang mga pamantayan sa ilalim ng Memorandum Circular No. 001-01-2026 ay dumaan sa kinakailangang public hearing. Anito, nabigyan dito ng pagkakataon ang telecommunications operators na lumahok at magpasa ng kanilang mga komento.
Sinabi pa ng NTC na paulit-ulit din nitong ipinaalam sa mga operator ang mga natukoy na problema sa serbisyo sa iba’t ibang parte ng bansa at binigyan sila ng sapat na panahon upang tugunan at ayusin ang mga ito.
“Ang issuance ng Show Cause Order ay bahagi ng proseso. It gives the concerned operators the opportunity to explain its side, present supporting evidence, and respond to the Commission’s findings, including its position on the daily penalties, its basis, reckoning point and duration,” paliwanag ni Deputy Commissioner Andres Castelar, Jr.
Susuriin ng Komisyon ang mga paliwanag at depensang isusumite ng mga operator alinsunod sa batas, panuntunan, at proseso, kasabay ng pagsasabi na mananatili itong nakatuon sa due process, patas na pagpapatupad batay sa ebidensya at transparency upang matiyak ang maaasahan, sapat, at maayos na telecommunications services para sa publiko.