Grade 11 tigok sa birthday outing
MANILA, Philippines — Nauwi sa bangungot ang isang masayang ‘birthday celebration’ matapos na masawi ang isang 16- anyos na Grade 11 student matapos itong aksidenteng malunod habang naglalangoy sa dagat kasama ang kaniyang mga kamag-aral sa beach resort sa Brgy.Tuyom, Carcar City, Cebu nitong Lunes.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Ruel Burlat, hepe ng Carcar City Police, ang biktima na kinilala lamang sa pangalang Mark ay idineklarang dead-on-arrival sa isang pagamutan sa lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, nagtungo sa beach resort ang grupo ni Mark para ipagdiwang ang kaarawan ng isa nilang kamag-aral.
Ang mga estudyante ay nagrenta ng cottage saka nag-swimming sa mababaw na bahagi ng karagatan hanggang ilan sa kanila ay naglangoy sa malalim na bahagi.
Sa pahayag ng mga kaklase ng biktima, tinangay ng malakas na alon ang huli hanggang sa tuluyang lamunin ng dagat, may 300 metro mula sa dalampasigan.
Nagawa namang makalangoy ng dalawa pa sa mga estudyante patungo sa mababaw na bahagi hanggang sa masagip sila pero tuluyan nang nalunod ang biktima. Bagaman at nagawang maiahon ng mga nagrespondeng rescuers ang biktima ay nabigo na silang maisalba ang kanyang buhay sa pagamutan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na walang caretaker at lifeguard ang nasabing resort.
- Latest