Lacson: Panelo dapat itama pahayag na P500 milyong nasayang sa impeachment trial

MANILA, Philippines — Iginiit ni Senator-judge Panfilo “Ping” Lacson na dapat itama ni Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, ang kanyang pahayag na “sinayang” ng Senado ang P500 milyon sa impeachment trial.
Ayon kay Lacson, maaaring isang “honest mistake” ang pagtaya ni Panelo dahil ang P25 milyong binabanggit na gastos kada araw ay para sa regular na operasyon ng Senado bilang legislative body at hindi para sa impeachment proceedings.
Aniya, may nakalaang P27.5 milyon lamang sa 2025 General Appropriations Act para sa impeachment proceedings, at malaking bahagi nito ay hindi pa nagagastos. Sa katunayan, halos P2 milyon pa lamang ang nagamit para sa mga robe ng senator-judges mula sa dating inilaan na P27 milyon.
“I urge the VP’s spokesman to rectify an obviously misleading figure of P500 million,” diin ni Lacson.
Nauna rito, sinabi ni Panelo na umabot sa P500 milyon ang ginastos ng Senado sa loob ng 20 araw na pagtalakay sa Articles I at IV ng Articles of Impeachment na kalaunan ay binawi rin ng prosekusyon. Dahil dito, nanawagan siya sa publiko na kondenahin ang umano’y pag-aaksaya ng pondo ng taumbayan.
Nilinaw naman ni Lacson na ang P25 milyong arawang gastos na dati niyang binanggit ay tumutukoy sa pangkalahatang operasyon ng Senado at hindi sa impeachment trial.
- Latest






















