Tigil pasada ng PISTON kasado na sa April 29-May 1

Drivers of traditional jeepneys wait for passengers at the FTI terminal in Taguig City.
STAR/Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Muling ikinasa ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang panibagong 3-day transport strike bilang protesta sa deadline ng  franchise consolidation at public utility vehicle (PUV) modernization program.

Sa pulong balitaan, sinabi ni PISTON Deputy Secretary General Ruben Baylon ipakikita nila ang kanilang puwersang nationwide transport strike sa Abril 29 hanggang Mayo 1 na kasabay sa paggunita sa araw ng mga Manggagawa. Abril 15 nang magtransport strike ang PISTON matapos ang 2-day transport strike ng MANIBELA.

Ayon kay Baylon, patuloy ang pagsasawalang bahala ng administrasyong Marcos sa kanilang panawagan na ibasura ang sapilitang franchise consolidation na pahirap sa mga jeepney drivers at operators.

Ani Baylon, kailangan nilang gawin ito ipaglaban at hindi malagay sa alanganin ang kanilang  kabuhayan sa sektor ng transportasyon.

Kabilang sa mga apektadong ruta ang  Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Katipunan at  Philcoa.

Tiniyak din ni Baylon na bibiyahe pa rin sila sa Mayo 1 sa kabila ng mga banta na huhulihin sila matapos ang deadline ng franchise consolidation sa Abril 30.

Aniya, karapatan ng mamamayang Pilipino na maglingkod sa sambayanan kaya walang makakapigil sa kanila na mamasada.

“Pagsapit pa talaga ng Mayo Uno, kung kailan dapat ginugunita at binibigyang-halaga ng pamahalaan ang ambag ng mga manggagawa sa pagpapaunlad ng lipunan, tsaka mawawalan ng kabuhayan ang mga tsuper at operator at magdurusa ang milyon-milyon pang manggagawa sa paglala ng sistema ng transportasyon sa bansa,” ani Baylon.

Nagpahayag naman ng  suporta ang  labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa ikakasang transport strike ng PISTON sa Lunes habang sa Mayo 1 magmamartsa naman ang mga ito mula University of Santo Tomas patungong US Embassy sa Roxas Boulevard.

Una nang sinabi ni Pa­ngulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala nang extension sa franchise consolidation at sa halip ay kailangan nang isagawa ito para sa pagsulong at pag-unlad ng bansa.

Show comments