Hirit ni Bistek sa kasong graft, ibinasura ng Sandiganbayan

Magugunita na kinasuhan ng kasong katiwalian si Bautista kasama si dating City Administrator Aldrin Cuña dahil umano sa pagbabayad ng higit P32 milyon sa Geodata Solutions, Inc., para sa pagbili ng occupational permitting and tracking system sa kabila ng kawalan ng ordinansa na dapat ay pinagtibay ng Sangguniang Pang­lungsod.
STAR / File

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ni dating Quezon City mayor Herbert Bautista na idismis ang dalawang kaso ng graft na kinakaharap nito.

Magugunita na kinasuhan ng kasong katiwalian si Bautista kasama si dating City Administrator Aldrin Cuña dahil umano sa pagbabayad ng higit P32 milyon sa Geodata Solutions, Inc., para sa pagbili ng occupational permitting and tracking system sa kabila ng kawalan ng ordinansa na dapat ay pinagtibay ng Sangguniang Pang­lungsod.

Si Cuña umano ang lumagda sa purchase request na nagsertipika na ang pagbili ng nasabing mga kagamitan ay tumatalima sa batas at nasa ila­lim ng kaniyang direktang superbisyon.

Ang ikalawang graft ay kaugnay naman sa pagbabayad nito ng buo sa P25.342 milyon sa isa pang firm para sa pagkakabit ng solar power system at waterproofing works para sa civic center building.

Si Bautista ay lumagda sa disbursement voucher kahit na ang kumpanya ay nabigong makakuha ng metering system mula sa Meralco habang si Cuña ang nag-isyu ng certificate of acceptance para dito.

Pebrero 3 ng taong ito nang aprubahan ni Ombudsman Samuel Martires ang pagsasampa ng kasong graft laban kina Bautista at Cuña.

Inirekomenda naman ng Ombudsman ang tig-P90,000 piyansa sa bawat kaso ng graft.

Itinakda na sa Mayo 18 ang pagbasa ng sakdal at pre-trial sa kaso.

Show comments