Credit card scam may bagong modus - BSP

File photo shows two credit cards.
The STAR / File

MANILA, Philippines — Muling nagbigay paalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mag-ingat sa credit card scam makaraang matukoy ang mga panibagong modus ng mga scammers sa kanilang mga biktima.

Paalala ng BSP na i-check kung may mga palatandaan ng scam tulad ng tatawagan ka ng nagpapanggap na kinatawan ng credit card company at sasabihin na hindi na sila naglalabas ng card na may numero sa harap at likod.

Bantayan din kung tatanungin nila kung nagagamit mo pa ang credit card mo dahil ito ay naka-deactivate na at sasabihin din nilang ipadadala lang nila ang bago mong credit card kapag ibinigay mo ang iyong kasalukuyang credit card details.

Payo rin ng BSP na huwag ibigay ang mga detalye ng iyong credit card tulad ng number, expiry date, at card verification value (CVV).

“Tandaan, hindi tatawag, mag-tetext, o mag-e-email sa inyo ang bangko, credit card issuer, o financial institution para humingi o magpa-update ng iyong personal at bank account details,” ayon sa BSP.

Pinayuhan ang mga credit card holders na kung may tanong o reklamo tungkol sa account, agad na makipag-ugnayan sa credit card issuer o bangko. Kung nasangkot sa scam, maaari ring makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) o sa National Bureau of Investigation (NBI) para maimbestigahan at makasuhan ang mga scammer.

Show comments