Marcos biyaheng Japan sa Pebrero 8
MANILA, Philippines — Nakatakdang lumabas na naman ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na Miyerkules, Pebrero 8 para sa isang “official working visit” sa Japan.
Magtatagal si Marcos sa Japan hanggang Peb. 12, 2023.
Inihayag ni Foreign Affairs Assistant Secretary Neal Imperial na pitong bilateral documents o agreements ang lalagdaan sa pagbisita ni Marcos.
Ang mga kasunduan aniya ay may kaugnayan sa kooperasyon sa infrastructure development, defense, agriculture, information and communications technology.
“During the visit, we anticipate the signing of seven key bilateral documents or agreements covering cooperation in infra development, defense, agriculture and information and communications technology-areas that are in the president’s priority agenda,” ani Imperial.
Inaasahang paiigtingin din ng Pangulo ang relasyon ng Pilipinas sa Japan sa seguridad, pulitikal, ekonomiya at “people to people ties.”
Magkakaroon din siya ng bilateral meeting kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Pebrero 9.
Ito na ang ikalawang beses na makakausap ni Marcos ng “face-to-face” si Prime Minister Kishida.
Una nang nagkausap ang dalawa sa United Nations General Assembly sa New York noong Setyembre 2022.
Bukod sa bilateral meeting, magkakaroon din ng working dinner ang dalawa kung saan pag-uusapan ang bilateral at regional issues na magpapaigting sa ugnayan at kooperasyon ng dalawang bansa.
Nakatakda ring makipagpulong si Marcos sa mga chief executive officers ng Japanese shipping companies at association para maisulong ang global competitiveness ng mga Filipino seafarers pati na ang maritime education at welfare programs.
- Latest