PNP chief Azurin naghain ng resignation sa panawagan ng DILG vs drug trade

Kuha kay PNP chief Rodolfo Azurin Jr. habang inaanunsyo na naihain na niya, pati ng ilan sa kanyang mga kasamahan, ang kanilang mga courtesy resignations matapos ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government, ika-5 ng Enero, 2022
Video grab mula sa Facebook page ng Philippine National Police

MANILA, Philippines — Pormal nang naghain ng kanyang "courtesy resignation" ang hepe ng Philippine National Police na si Rodolfo Azurin Jr., matapos ang panawagang self-cleansing sa kanilang hanay kontra iligal na droga.

Miyerkules lang nang umapela si Interior Secretary Benhur Abalos Jr. sa daan-daang PNP officials mula colonel hanggang heneral na magbitiw bilang bahagi ng "cleansing" ng kanilang hanay laban sa "deep infection" ng illegal drug trade.

"Actually lahat kami rito, 'yung command group ko, they have already submitted... On the record, nauna pa 'yung command group ko na mag-submit sa akin," wika ni Azurin sa isang briefing, Huwebes.

"Ibig sabihin, doon mo mararamdaman na 'yung mga senior officers, 'yung mga general, they are willing to be subjected to an assessment kasi ano 'yan eh. Paulit-ulit na lang na akusasyon sa hanay namin. This must stop once and for all."

Una nang sinabi ni Abalos na susuriin ng five-member committee ang mga maghahain ng kanilang pagbibitiw. Ang mga miyembro ng review committee ay personal na pipiliin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ani Azurin.

Disyembre lang nang madawit si S/Sgt. Rodolfo Mayo Jr. — miyembro ng PNP Drug Enforcement Group Philippine National Police Drug Enforcement Group — sa pag-iimbak diumano ng halos isang tonelada ng shabung nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Ang iligal na droga ay nakumpiska sa Maynila noong Oktubre.

Una nang sinabi ni Azurin na isang "ranking police official" ang nagbalik kay Mayo sa anti-drug unit sa kabila ng background niya bilang diumano'y ninja cop.

PNP bilang organisasyon 'on trial' 

"Ang sabi ko, ang on trial dito is our organization. We should think first of our organization, and then the individual interest would follow, and then 'yung ano natin sa pamilya natin, where we draw our strength," dagdag pa ng PNP chief.

"I take this as a rare chance to radically cleanse our ranks and once and for all to clear the names of all third level officers who are not involved in illegal drugs."

Naninindigan si Azurin na magiging "honorable exit" ito para sa kanya oras na ma-clear sa pagkakaugnay sa iligal na droga lalo na't malinis siyang magreretiro.

Aniya, oportunidad ang panawagang ito sa PNP upang matigil ang mga "malisyosong" akusasyon sa mga third level officers.

Inaasahan ni Azurin na "majority," kung hindi man lahat, ay susunod sa panawagan ni Abalos. Gugulong naman daw ang "iba pang mga mekanismo" para sa mga top police officials na hindi maghahain ng kanilang courtesy resignations. 

Show comments