Go: Fake news, tuldukan na

MANILA, Philippines — Maaaring magdulot ng malubhang banta sa demo­krasya ang maling impormasyon at disimpormasyon kaya umapela si Senator Bong Go kay Senate committee on public information and mass media chair, Sen. Robinhood “Robin” Padilla at sa kanyang mga kapwa mambabatas na magtulungan para mapahusay at mapalakas pa ang access sa tumpak at may katuturang impormasyon.

Sa isinagawang pampublikong pagdinig ng nasabing komite, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng mass media sa pagbuo ng bansa at paglalapit sa mga tao sa pamahalaan.

“Nakakatulong ito upang ang publiko ay mabigyan ng mga kinakailangang impormasyon na magpapataas ng kanilang antas ng kamalayan at pag-unawa sa iba’t ibang programa at patakaran ng pamahalaan. Mahalaga rin dito ang pag-pursue ng isang accountable at transparent na gobyerno,” patuloy ni Go.

Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas noong Pebrero, 69% ng mga Pilipino ang naniniwala na ang sirkulasyon ng fake news ay ­maaaring magresulta sa malalaking komplikasyon.

Nagsimula ang pagkakaroon ng fake news kahit noong unang panahon pa ngunit dahil sa kung paano pinadali ng teknolohiya ang mabilis na pagkalat nito, ang mga epekto ng fake news ay itinuturing na ­problema ng karamihan ng mga Pilipino.

Kaugnay nito, binanggit ni Go na ang paglaganap ng kahit isang maliit na maling impormasyon ay maaaring lumikha ng pagbabago sa lipunan.

Kaya binibigyang-diin niya kung gaano kahalaga para sa bawat Pilipino na tukuyin ang maling impormasyon sa iba’t ibang midyum ng media, kabilang ang telebisyon, radyo, print, at iba pa.

Show comments