Transpo, accommodation sa OFWs ­ititigil na ng OWWA, epektibo sa Hunyo 1

MANILA, Philippines — Ititigil na ng ­Overseas Workers Welfare ­Administration (OWWA) ang transportation at accommodation assistance para sa mga returning overseas Filipinos ­workers.

Batay ito sa advisory na naka-post sa official OWWA Facebook page nitong Mayo 24 na nagsasabing suspendido na ang transportation at accomodation assistance ng returning OFWs epektibo sa ­Hunyo 1, sa ilalim ng alert level 1.

Gayunman, tuloy pa rin itong ibibigay ng OWWA sa mga distressed OFWs na certified ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o evaluated ng OWWA airport officers; at OFWs na babalik sa bansa sa pamamagitan ng government-­initiated mass repatriation flights.

Ang mga partially vaccinated or unvaccinated OFWs na kailangang isailalim sa mandatory facility-based quarantine ay patuloy na sasagutin ng DOLE at OWWA ang accomodation.

Gayunman, hindi na sasagutin ng pamahalaan ang gastusin sa pamasahe ng mga OFWs na pauwi sa kanilang mga probinsya.

Dahil dito, ang OWWA-chartered bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at OWWA-sweeper flights sa NAIA Terminal II ay ititigil na ang operasyon sa Hunyo 1, 2022.

Show comments