Ayuda sa mga PUV drivers ikinokonsidera na ng Kamara

MANILA, Philippines — Ikinokonsidera na ng Kamara ang pagbibigay ng subsidiya sa mga driver ng Public Utility Vehicles (PUVs) na apek­tado ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo.

Ayon kay House Committee on Transportation Chairman Rep. Edgar Mary Sarmiento, ang nasabing hakbangin ay kanilang tinalakay sa isang closed-door executive session kasama ang transport groups at iba pang ahensya ng gobyerno.

Sinabi ni Sarmiento na bukas naman ang transport group na ipagpaliban muna ang hirit na dagdag pasahe kung mabibigyan sila ng subsidiya.

Sa nasabing executive session ay napagkasunduan na huwag na munang mag-strike at humingi ng dagdag na pamasahe ang transport group.

Magugunita na walong sunod na linggo nagtaas ang presyo ng langis dahilan para humirit na ang transport group ng dagdag na P3 sa pasahe sa mga pampasaherong jeepney mula sa kasalukuyang P9.

Show comments