DOH kay Pacquiao: Hindi kami bumibili ng pa-expire na gamot 'para makatipid'

Litrato nina Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire (kaliwa) at Sen. Manny Pacquiao (kanan)
Video grab mula sa Facebook account ng RTVM; The STAR,File

MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang mga paratang ni Sen. Manny Pacquiao na sadyang bumibili ang kagawaran ng gamot na malapit nang mapanis sa regular na halaga kahit na bagsak-presyo na rapat ito.

Inilalabas ni Pacquiao ang naturang akusasyon, na galing daw sa isang independent probe, matapos kumasa sa hamon ng kapartidong si Pangulong Rodrigo Duterte na isiwalat ang mga katiwalian sa kanyang gobyerno. Kung hindi raw kasi ito gawin ni Pacquiao, mangangampanya ang presidente laban sa kanya sa 2022.

"So we have protocols, and there are specific agencies of government and we have different laws that would say na hindi kami pwedeng bumili ng near expiring [na gamot]," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes sa isang media forum.

"Meron po kaming mga polisiya tungkol diyan na ang pwede lang naming tanggapin at i-procure na gamot ay may shelf life na 18 to 24 months."

Aniya, meron lang talagang polisiya ang DOH na pwedeng kumuha ng gamot na 12 buwan ang "shelf life" sa tuwing may public health emergency. Mas kailangan daw kasi ang mga gamot sa panahong ito — gaya ngayong COVID-19 pandemic.

Una nang kwinestyon ni Pacquiao si DOH Secretary Francisco Duque III dahil diumano sa "kahina-hinalang" pagbili ng rapid test kits, personal protective equipment, masks at iba pa. Hinahanap din ngayon ni Pacquiao ang mga perang inutang ng gobyerno laban sa COVID-19.

"Pero ang bumili para magkaroon ng discount ba... I can say na wala po kaming mga ganyan na nabibili na mga supplies or gamot. Because we are following the existing policies and laws of government," saad pa ni Vergeire.

Inaantay lang ngayon ng DOH ang mga dokumentong iprepresenta ni Pacquiao para raw makapagpadala sila nang mga katugunan dito sa kanyang tanggapan.

Paratang ni Pacman

Sabado lang nang sabihin ni Pacquiao na bumibili ng malapit nang mag-expire na gamot ang DOH sa kahina-hinalang mga presyo, kahit na hindi siya gaano nagpalalim tungkol dito.

"Bumibili ito ng mga malapit nang mag-expire na mga gamot. Binibili ang mga gamot na ito sa regular price samantalang dapat ay bagsak na ang presyo ng mga ito," sabi ni Pacman sa isang public briefing.

"Marami pa akong mga hinahanda at sinusuri na mga dokumento tungkol sa korapsyon sa DOH. Ilalantad ko rin po iyan sa takdang panahon."

Dagdag pa ng "fighting senator," napanis na lang daw ang ilang gamot na hawak ng gobyerno at hindi na mapapakinabangan pa.

Pasabog na katiwalian? Watusi lang eh — Roque

Pinagtawanan lang naman ng Palasyo ngayong araw ang mga bagong alegasyon ng katiwalian ni Pacquiao matapos niya itong ibato laban sa DOH, Department of Social Welfare and Development, Department of Energy at Department of the Environment and Natural Resources.

"Watusi. Akala ko atom bomb, ayun pala watusi. Wala po, walang kwenta kasi puro generalized allegations po. Walang particulars, walang specific instance, walang ebidensya," ani presidential spokesperson Harry Roque kanina.

"Hindi po ganyan ang trabaho ng Senado. Dapat po ayusin muna ang trabaho niya bilang isang senador. Patunayan ang kanyang mga paratang dahil kung hindi po, pulitika lang po talaga ang mga pinagsasasabi ni Senator Pacquiao."

Binanatan din ni Roque si Pacquiao dahil siya ang nag-aakusa ngunit wala siya sa Pilipinas oras na dumating ang imbestigasyon. Kasalukuyang nasa Estados Unidos si Pacquiao para sa kanyang August 21 boxing match laban kay Errol Spence Jr.

Nangyayari ang mga nasabing patutsadahan ng Palasyo at ni Pacquiao ngayong nagkakainitan ang huli kay Duterte. Matatandaang hinihikayat ng PDP-Laban sa isang resolusyon si Duterte na tumakbo bilang bise presidente sa 2022 sa isang asembilya na walang basbas ni Pacman. Si Pacquiao ang acting president ng partido habang chairperson nito si Duterte. — may mga ulat mula sa The STAR

Show comments