Daily COVID-19 recoveries sa Pilipinas pinakamaliit sa nakaraang 21 araw
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health ng 6,812 bagong infection ng coronavirus disease, Biyernes, kung kaya nasa 1,385,053 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,385,053
- Nagpapagaling pa: 55,293, o 4% ng total infections
- Kagagaling lang: 2,867, dahilan para maging 1,305,608 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 116, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 24,152
Anong bago ngayong araw?
-
Naitala ngayong araw ang pinakamababang bilang ng bagong gumaling sa COVID-19 (2,867) sa nakalipas na 21 araw. Huling mas mababa ang arawang recovery diyan noong ika-4 ng Hunyo.
-
Tinatayang aabot na sa 10 milyon ang nababakunahan laban sa COVID-19 sa Pilipinas sa susunod na linggo, pagtataya ni National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon. Target itong maabot ng gobyerno bago magtapos ang buwan ng Hunyo.
-
Idiniin naman kanina ni Dr. Isagani Padolina, miyembro ng DOST Vaccine Expert Panel (VEP), na malaki ang maitutulong ng "brand mixing" ng COVID-19 vaccines ngayong mabagal ang delivery at distribution ng mga bakuna. Sa ngayon kasi, kinatatakutang hindi maiturok agad ang ikalawang dose ng Sputnik V vaccine sa mga nabigyan na ng unang dose sa loob ng itinakdang 21 araw.
-
Binigyan naman na ng Department of Education ng "go signal" ang mga pribado't non-DepEd schools para simulan ang kanilang school year 2021-2022 ngayon din. Gayunpaman, kinakailangang hindi ito face-to-face classes bilang pag-iingat na rin sa COVID-19 virus.
-
Nananawagan naman ngayon ni Sen. Grace Poe sa Philippine Health Insurance Corp. na agad i-settle ang mga naiulat na "unpaid claims" ng daan-daang ospital, bagay na maaari raw makaapekto sa COVID-19 pandemic response kung hindi agad maaasikaso. Sa Western Visayas, kabilang ang Iloilo City, sinasabing umabot na sa P800 milyon ang claims ng mga pagamutan at laboratoryo.
-
Umabot na sa 179.24 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang halos 3.9 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest