Sara susuportahan ng PDP-Laban - Nograles

MANILA, Philippines — Naniniwala si Cabinet Secretary at  PDP-Laban member Karlo Nograles na susuportahan ng partido si Davao City Mayor Sara Duterte sakaling tumakbo itong presidente ng bansa sa Eleksiyon sa 2022.

Ginawa ni Nograles ang pahayag kahit pa sinabi ni Mayor Sara na hindi siya sasapi sa partido ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Dati nang sinabi ni Mayor Duterte na mananatili siya sa kanyang Hugpong ng Pagbabago (HNP) ng Davao Region at Hugpong sa Tawong Lungsod (HTL) ng Davao City.

Pero sinabi ni Nog­rales na isang Duterte ang alkade at natural lamang na suportahan ito ng partido kahit pa ano ang kanyang ma­ging desisyon.

Hindi rin kailangang sumapi ni Mayor Duterte sa PDP-Laban para makuha ang suporta ng partido.

Pero tiniyak ni Nog­rales na susuportahan ng mga ka-partido kung ano ang magiging desisyon ng Pangulo na tumatayong national chair ng PDP-Laban.

“That being said, the more natural inclination for our party-mates is to support the President’s decision, him being our national chair. We are looking, waiting for the President, for his decision/recommendation,” ani Nograles.

Nauna rito, isang resolusyon ang ipinasa ng PDP-Laban sa meeting noong Mayo 31 kung saan hinihikayat si Pangulong Duterte na tumakbong bise presidente.

Show comments