2.4 milyong mae-expire na AstraZeneca, naiturok na

Unang inihayag ng DOH na nasa 1.5 milyong bakuna ng AstraZeneca ang mag-e-expire ngayong Hunyo 30 habang 1 milyong doses pa ang mapapaso sa katapusan ng Hulyo.
AFP/Alain Jocard

MANILA, Philippines — Nagamit na ng Department of Health (DOH) ang nasa 2.4 milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines bago ang pina­ngangambahang expiration nito ngayong katapusan ng Hunyo.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa 2.5 milyong AstraZeneca, nasa 100,000 na lamang ang natitira at tiwala sila na magagamit nila ito bago matapos ang buwan.

Unang inihayag ng DOH na nasa 1.5 milyong bakuna ng AstraZeneca ang mag-e-expire ngayong Hunyo 30 habang 1 milyong doses pa ang mapapaso sa katapusan ng Hulyo.

Dahil sa pag-prioritize sa paggamit ng AstraZe­neca, naiwasan umano na masayang ang mga ito at pakinabangan ng mga Pilipino na nais nang maunang magpabakuna.

Inaasahan naman na may 11 milyong doses ng bakuna ang darating nga­yong buwan. Nasa 60% nito ay ipamamahagi sa mga ‘vaccination sites’ sa National Capital Region (NCR) at sa walong probinsya na malaki ang pangangaila­ngan dito.

Nitong Hunyo 8, nasa 1.6 milyong Pilipino na ang ‘fully vaccinated’ habang 4.6 milyon ang nakatanggap ng unang dose.

Show comments