COVID-19 cases sa Pilipinas lagpas 904,000 na habang bagong hawa 11,429
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health ng 11,429 bagong infection ng coronavirus disease ngayong Huwebes, kung kaya nasa 904,285 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 904,285
- nagpapagaling pa: 183,527, o 20.3% ng total infections
- bagong recover: 856, dahilan para maging 705,164 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 148, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 15,594
Anong bago ngayong araw?
-
Nag-abot ng P170 milyong donasyon ang Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas para sa COVID-19 vaccination ng bansa. Dahil dito, papatak na sa P1.3 bilyon ang pandemic assistance na ang ibinigay ng Washington sa Maynila.
-
Inanunsyo naman ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel "Babe" Romualdez ngayong araw na nakiusap na ang Pilipinas sa administrasyon ng Amerika kung maaari itong "makahiram" ng AstraZeneca COVID-19 vaccines mula sa stockpile ng Washington.
-
Habang nagpapatuloy ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na tinatayang 1 milyong katao pa rin ang hindi makabalik sa trabaho kahit na nagluwag na ng lockdown ang Metro Manila at apat na katabi nitong probinsya.
-
Isang bahagi naman ng Isla ng Boracay ang ilalagay sa dalawang linggong "surgical lockdown" simula ngayong araw dahil na rin sa pagtaas ng COVID-19 cases doon. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, iiral ang surgical lockdown sa Zone 1 ng Barangay Yakap hanggang ika-29 ng Abril.
-
Umaabot na sa halos 137 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, mahigit-kumulang 3 milyon na ang patay.
— James Relativo at may ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest