^
1-M katao hindi makabalik ng trabaho dahil sa MECQ sa 'NCR Plus,' ayon sa DTI
Nakapila ang mga residenteng ito ng Batasan Hills, Quezon City para makakuha ng tulong pinansyal mula sa gobyerno sa ikalawang araw ng pamamahagi nito, ika-8 ng Abril 2021
The STAR/Michael Varcas

1-M katao hindi makabalik ng trabaho dahil sa MECQ sa 'NCR Plus,' ayon sa DTI

James Relativo (Philstar.com) - April 15, 2021 - 3:44pm

MANILA, Philippines — Signipikanteng numero pa rin ang nananatiling wala sa trabaho kahit tinapos na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at apat na katabing probinsya kasabay ng patuloy na pagsirit ng coronavirus disease (COVID-19) cases.

Sa Laging Handa briefing ng state-run PTV 4, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na 500,000 lang ang nakabalik ng trabaho matapos ilagay sa mas maluwang na modified ECQ (MECQ) ang National Capital Region, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna — bagay na tinatawag na "NCR Plus" sa ngayon.

"[B]ase sa mga talaan ng labor force, 'yung mga sectors na sarado noong ECQ, may mga 1.5 milyon estimate kami na na-displace [at] nawalan ng hanapbuhay," ani Lopez, Huwebes.

"At ngayong MECQ, base uli dito sa mga datos natin, may mga 500,000 out of the 1.5 [milyon] ang nakabalik na ngayong MECQ. Therefore meron pa tayong mga 1 million na aasahan nating makakabalik [ng trabaho] hopefully kapag nag-GCQ tayo."

Sa kabila nito, pinipinal pa raw ng pamahalaan ang survey pagdating sa mga establisyamentong nakasara noong ECQ at ngayong MECQ. 

Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na magtatagal ang MECQ sa NCR Plus hanggang ika-30 ng Abril dahil na rin sa bagong surge ng COVID-19 cases na umaabot ng 11,000 pataas araw-araw.

Mga naapektuhang sektor

Sa ilalim ng MECQ, tinamaan ang maraming sektor na pinagtratrabahuhan ng ilang mamamayan.

Sa nasabing quarantine classification, ipinatutupad ang:

  • 50% maximum workforce sa piling manufacturing at processing plants na papayagang mag-operate
  • limitado ang transporting services ng essential goodes at serbisyo
  • kawalan ng domestic flights at limitado ang international flights
  • kawalan ng pisikal na klase sa lahat ng antas

Dahil may curfew mula 8 p.m. hanggang 5 a.m., kakaonti ang mga pasaherong maaaring maisakay ng mga namamasada tuwing alanganing oras.

Taong 2020 nang maabot ng Pilipinas ang 15-year high na unemployment dahil na rin sa COVID-19 pandemic sa kabuuan.

"Doon sa nawala sa ekonomiya... for the two weeks, [ito'y] around 1% ng ating [gross domestic product]," patuloy ni Lopez.

Emergency wage relief

Ngayong lang nang maghain ng ang Anakpawis party-list, kasama ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, ng P100 "emergency wage relief" para sa mga manggagawa sa agrikultura sa National Wage and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment.

Aniya, labis-labis na rin ang dagok na dinaranas ng mga nagbubungkal ng lupa sa gitna ng pandemya lalo na sa usapin ng kabuhayan.

Dalawang linggo na ang nakalilipas nang tawaging "hindi sapat" ng ACT Teachers party-list at IBON Foundation ang P1,000 ayuda kada tao para sa mga apektado ng ECQ sa NCR Plus. Tuloy pa rin naman ang panawagan nilang P10,000 emergency cash subsidy na dapat daw ibigay sa pinakamahihirap na 18 milyon o 22.25 na pamilya.

DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY MODIFIED ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE NOVEL CORONAVIRUS UNEMPLOYMENT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with