Matakot sa COVID-19 ‘wag sa bakuna - Bong Go

MANILA, Philippines — Muling ipinaalala ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na huwag matakot sa COVID-19 vaccines kundi sa mismong virus sa pagsasabing ang pagbabakuna ay napakahalaga bilang unang hakbang na maibalik sa normal ang sitwasyon sa bansa.

“‘Wag kayong matakot sa bakuna, matakot kayo sa COVID-19. Ang COVID-19 po ang nakamamatay. Ang bakuna lang ang tanging solusyon. Magtiwala lang po tayo sa ating gobyerno at ginagawa naman ng gobyerno ang lahat,” sabi ni Go matapos ang panayam sa kanya sa Laging Handa noong Lunes.

Sa kabila ng mga pag-aalala sa bakuna na pinalala pa ng mga kumakalat na fake news, sinabi ni Go na lumalakas na rin ang tiwala rito ng publiko.

Aniya, sa kanyang pagbisita sa mga komunidad na pinalubog ng krisis ay nalaman niyang dumarami na ang Filipino na nagnanais o handa nang magpabakuna.

“Alam n’yo po, sa kakaikot ko sa buong bansa, sa mga nasunugan, nabahaan at iba pang sakuna, nakikita ko paunti-unti marami nang gustong magpabakuna. ‘Di tulad noon na less than 10% ang nagtataas ng kamay, ngayon papunta na sa kalahati ang gustong magpabakuna,” ani Go.

“Pero ngayon kunin muna natin ang tiwala ng taumbayan dahil marami pa rin ang takot. Inuuna natin ang frontliners dahil sila ang isinabak natin sa giyerang ito. Dapat armasan natin sila. ‘Di natin nakikita ang kalaban,” idinagdag niya.

Umapela  rin si Go sa gobyerno na pabilisin ang pamamahagi ng social amelioration sa mga Filipino na apektado ng istriktong  quarantine restrictions.

Show comments