AstraZeneca epektibo pa rin vs South African variant

MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng World Health Organization (WHO) na epektibo pa rin ang AstraZeneca vaccine kontra sa South African variant ng COVID-19 sa kabila ng ilang pag-aaral na maliit lamang ang bisa nito laban sa naturang mutation ng virus.

Tinutukoy ng WHO ang pag-aaral sa AstraZeneca kung saan mula sa 70% efficacy ay bumaba ito sa 10% efficacy, ayon sa OCTA Research Group.

Ngunit ayon kay WHO Country Representative Rabindra Abeyasinghe, napakaliit na sample lamang ang ginamit sa pag-aaral makaraan nilang suriin ang naturang resulta.

“And so, we still believe and WHO released a statement saying, we still believe that the AstraZeneca vaccine is effective, even in places where you have a large proportion of cases which could be attributed to the B1351 variant or the South African variant,” giit niya.

Nilinaw niya na ang target ngayon ng bakuna ay maiwasan ang pagkakaroon ng sakit at pagkamatay lalo na at wala sa mga bakuna ang nakapagpakita na kaya nitong mapigilan ang hawahan.

Show comments