Pagbuhay sa death penalty bahala ang Kongreso - Palasyo

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagaman at dati ng prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng parusang kamatayan pero ang Kongreso ang gumagawa ng batas.
STAR/File

MANILA, Philippines — Ipinauubaya ng Mala­cañang sa Kongreso ang pagbuhay sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagaman at dati ng prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng parusang kamatayan pero ang Kongreso ang gumagawa ng batas.

Naungkat ang pagbuhay sa parusang kamatayan dahil sa brutal na pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang sina Sonya Gregorio, 52 at Anthony Gregorio, 25, sa Tarlac noong Linggo.

Ipinaalala rin ni Roque sa mga pulis na isa lamang sa kanila ang gumawa ng krimen ay madadamay ang buong institusyon.

“Ang puwede pong leksiyon diyan: naku mga pulis, it takes only one, one of you to destroy the reputation and integrity of the institution. Bagama’t sinasabi po natin nga-yon sa lahat na nag-iisang bugok lang naman iyang pulis na iyan eh nakita ninyo naman ang epekto,” sabi ni Roque.

Sinabi rin ni Roque na hindi lang mga ordinaryong mamamayan ang mga pulis dahil bahagi sila ng isang institusyon na pinagkakatiwalaan ng taumbayan.

“Kaya nga importante na sa inyong mga buhay, alalahanin ninyo po, hindi lang kayo si Juan Dela Cruz, kayo po’y kabahagi ng institusyon ‘no, isang institusyon na ‘pag nawala po ng tiwala ang taumbayan, ang resulta po eh magkakagulo,” ani Roque.

Pinag-iingat din ni Roque ang mga pulis na dapat maging ehemplo at sumusunod sa ipinatutupad na batas.

Show comments