Duque payag maunang magpaturok

Binisita ni DOH Secretary Francisco Duque ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para alamin ang kondisyon ng mga pasahero at patuloy silang paalalahanan na sundin ang mga health protocol.
Kuha ni KJ Rosales

MANILA, Philippines — Tinanggap ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang hamon ni Sen. Bong Go na maunang magpaturok ng COVID-19 vaccine sa oras na maging handa na ito sa Pilipinas.

Ito ay inihayag ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire kahapon kasabay ng paghayag na suportado ang kalihim ng lahat ng tauhan ng ahensya na handa ring mauna na mabigyan ng bakuna.

“So ang Secretary of Health po natin at ang buong Department of Health, if I may say, bukas tayo kung kailangan tayo mauuna sa pagpapabakuna ay magpapabakuna po tayo,” ayon kay Vergeire.

Papayagan lamang makapasok ng bansa ang mga bakuna kapag nakapasa na sa Phase 3 ng clinical trials na mangangahulugan na tunay na ligtas at epektibo ito.

Matatandaan na hinamon ni Go si Duque at si vaccine czar Sec. Carlito Galvez na maunang magpaturok ng bakuna para matiyak sa publiko ang pagiging ligtas nito.

 

Show comments