PACC ayaw pangalanan ang congressmen sa DPWH corruption

MANILA, Philippines  — Tumanggi si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica na pangalanan ang mga sinasabi niyang congressmen na diumano’y sangkot sa korapsiyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Belgica, hindi siya maaaring magbigay ng mga pangalan dahil mako-kompromiso ang imbestigasyon.

Sabi ni Belgica, bagaman at totoo na hindi lahat ng congressmen ay sangkot sa korapsiyon, pero hindi naman aniya lahat ng congressmen ay malinis.

Nauna rito, sinabi ng mga House solons na “unfair” para sa mga mambabatas na lahatin ni Belgica ang mga congressmen at walang ilulutang na pangalan.

Bagaman at tumangging magbigay ng pangalan, sinabi ni Belgica na ang iniimbestigahan nila ay ang DPWH at hindi sila maaaring magbulag-bulagan.

“You know ang iniimbestigahan kasi namin DPWH, pero hindi naman kami puwedeng magbulag-bulagan sa mga nakikita namin pag nag iniimbestiga kami; ang jurisdiction po namin DPWH at Congress,” ani Belgica.

Ang nakukuha aniyang report ng PACC ay ibinibigay sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi na rin aniya ng Pangulo na gagawa ito ng task force para imbestigahan ang DPWH dahil kailangang iba ang mag-imbestiga at hindi ang PACC.

Show comments