Duterte 'agree' kay Pope Francis, same-sex civil union suportado
Litrato nina Pope Francis (kaliwa), Pangulong Rodrigo Duterte (gitna) at "rainbow flags" (kanan) na isa sa mga unibersal na sagisag ng LGBT movement
Philstar.com/AJ Bolando; Presidential Photo/Richard Madelo; AFP/Angela Weiss
Duterte 'agree' kay Pope Francis, same-sex civil union suportado
James Relativo (Philstar.com) - October 22, 2020 - 3:01pm

MANILA, Philippines — Nakakuha ng back-up sa Malacañang ang Santo Papa ng Simbahang Katoliko matapos muling kumpirmahin Palasyo ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilalanin ng batas ang "civil union" ng mga magsing-irog na pareho ang kasarian.

Miyerkules kasi nang tawagin ni Pope Francis na "anak ng Diyos" ang mga bakla, lesbyana, bisexual, transgender atbp. — at may karapatan pa rin aniya sila magpamilya't maprotektahan ng batas.

Basahin: Pope Francis backs civil unions for gay couples

"The president has said it over and over again. Pabor po siya sa isang batas na magre-recognize ng civil union sa same-sex relationships," ani presidential spokesperson Harry Roque, Huwebes.

Sa ilalim ng civil union laws, mabibigyan ng proteksyon sa batas ang mga same-sex couples — bagay na hindi iginagawad sa ngayon ng kasalukuyang batas.

Pero gaya ni Pope Francis, ayaw pang ibigay ni Duterte nang tuluyan ang kanyang basbas para sa same-sex marriage.

May kaugnayan: Palace: Too soon for same-sex marriage in the Philippines

Enero 2020 lang nang katigan ng Korte Suprema ang pagbabasura sa petisyon ng same-sex marriage sa bansa, lalo na't wala raw "substantial argument" na naihain ang abogadong si Jesus Nicardo Falcis II, na kumwestyon sa ilang probisyon ng Family Code.

Sa nasabing code kasi, sinasabing tanging babae at lalaki lang ang pwedeng ikasal sa Pilipinas.

Patuloy namang nananawagan ang Commission on Human Rights (CHR) na kilalanin ang makasaysayang laban ng LGBT community matapos ang court decision na ito.

Konggeso maging bukas na kaya?

Kasabay ng mga development na ito, umaasa si Roque na wala nang magiging balakid para tuluyang maisabatas ang same-sex civil unions lalo na't aprubado ito ng Santo Papa.

"Depende na lang 'yan sa prayoridad ng ating Konggreso. Pero with no-less than the Pope supporting it, I think even the most conservative of all Catholics in Congress should no longer have a basis for objecting," ani Roque.

Kaugnay niyan, sinabi ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na maaaring magandang direksyon ito para maisabatas na ang House Bill 2264, bagay na kanyang iniakda.

Pinamagatang "Recognizing the Civil Partnership of Couples, Providing for their Rights and Obligations," nawa'y maliwanagan na raw ang mga konserbatibo sa Kamara pagdating sa isyu.

"Our [lesbian, gay, bisexual and transgender[ brothers and sisters deserve to have protections under the law for their respecvtive union with the person they choose to be their life partner," ani Alvarez.

"I hope our colleagues in both chambers of Congress witll be enlightened too. For some, maybe they'll need more time to digest the signs of the times. But let us be patient because, in the end, reality eventuially catches up."

Dagdag pa niya, magandang oportunidad ito para "buhayin ang riyalidad ng umiiral na mga relasyon" at ilapat ito sa isang legal framework.

Samantala, inirekomenda naman ni Alvarez kay Pope Francis na tignan ang isyu ng diborsyo, lalo na't kailangan daw ito bilang "last resort" ng ilang mag-asawa na hindi na mapag-ayos ang relasyon.

Kasalukuyang nakahain ang divorce law sa 18th Congress bilang House Bill 2263.

LGBT PANTALEON ALVAREZ POPE FRANCIS RODRIGO DUTERTE SAME-SEX MARRIAGE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with