MANILA, Philippines — Nangangamba ang may 85 percent ng mga Pinoy na mahawahan ng COVID-19, ayon sa latest survey ng Social Weather Station (SWS).
Sa survey na ginawa noong Setyembre 17-20, lumabas na sa 85% ng mga Pinoy na nag-aalala na posibleng mahawaan sila ng naturang sakit, 63% ang “matindi” ang pag-aalala habang 22% ang bahagyang nag-aalala.
Ang naturang resulta ay kahalintulad ng naitala ng SWS may tatlong buwan na ang nakararaan.
May 9 na porsiyento lamang ang konti ang pagkabahala habang 6 percent ang hindi nababahala na mahawa ng COVID-19 ang sinumang miyembro ng kanilang pamilya.
Ang antas ng pagkabahala ay mataas sa Luzon na may 87%; Visayas, 84%; Metro Manila, 83% at Mindanao, 80%.
Mataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila subalit ang worry rate rito ay bahagyang bumaba sa 83% mula sa 92% noong Mayo at Hulyo.
Isinagawa ang SWS survey sa 1,249 Pinoy na may edad 18 pataas gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone interview.