‘Notice to proceed’ ng Kaliwa Dam project sinalungat ng COA

MANILA, Philippines — Sinalungat ng Commission on Audit (COA) ang pag-iisyu ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ng notice to proceed (NTP) ng Kaliwa dam project para sa detailed engineering, design at konstruksiyon ng proyekto na iginawad sa China Energy Engineer Company Inc.

Ito ay makaraang malaman ng COA ang umano’y iba’t ibang teknikalidad sa pagtatayo ng proyekto kabilang na ang umano’y kaduda-dudang pagsang-ayon dito ng mga katutubo at indigenous people sa lalawigan ng Quezon.

“The expropriation of lots particularly for the right of way affected by Kaliwa Dam Project is still pending, hence considered a ground for the termination of the contract under Section 17.6 of the Revised Implementing Rules and Regulations of the Republic Act 9184 also known as the Government Procurement Reform Law,” pahayag ng COA.

Pinuna ng mga state auditor na dahil ang kontrata sa pagitan ng MWSS at ng CEEC ay hindi saklaw ng anumang kasunduan, kailangang manaig ang mga probisyon ng RA 9184.

Alinsunod sa RA 9184, ang NTP ay kinakailangang ipalabas pitong araw mula sa petsa ng pag-apruba sa kontrata at matapos itong tanggapin ng contractor na itinuturing nang nakasunod sa lahat ng requirement na itinatakda sa ilalim ng loan agreement.

Ang sinasabing commercial contract ay itinuturing na walang bisa dahil ang mga rekisitos dito ay hindi nasunod.

Samantala, ang mga kondisyon para sa pag-iisyu ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ay hindi pa nasusunod kaya hindi maipatupad ang proyekto.

 

Show comments