^
Libre o abot-kayang face shields kailangan ngayong inoobliga na ng DOTr
Nakasuot ng face shield sa ibabaw ng kanyang face mask ang pasahero na ito ng jeep sa Lungsod ng Baguio, ika-5 ng Agosto, 2020.
The STAR/Andy Zapata Jr.

Libre o abot-kayang face shields kailangan ngayong inoobliga na ng DOTr

James Relativo (Philstar.com) - August 6, 2020 - 2:17pm

MANILA, Philippines — Nanawagan para sa libre o dili kaya'y abot-kayang halaga ng face shields ngayong inoobliga na ito ng gobyerno sa mga pampublikong sasakyan laban sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Ika-4 ng Agosto nang sabihin ng Department of Transportation (DOTr) na dapat nang magsuot ng face shields — maliban sa face masks — ang sinumang sasakay ng pampublikong transportasyon simula ika-15 ng Agosto.

Basahin: Face shields 'sa ibabaw' ng face masks inoobliga ng DOTr sa commuters ng public transpo

Pero ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), maaaring dagdag pasakit pa raw ito ngayong hikahos sa kita at apektado ng pandemya ang kabuhayan.

"Ang isang face shield ay singhalaga na ng isang kilong bigas at isang itlog. Sa kakarampot na kinikita ng manggagawa, tingin ba ng DOTr, saan nila ilalaan ang pera nila?" ayon kay Jerome Donis, secretary-general ng KMU.

"Gusto niyo ba talaga tumulong? Inutil na kayo, perwisyo pa kayo! Buti sana kung mamamahagi kayo ng libreng face shield. E hindi. Ipapabalikat niyo na naman sa ordinaryong mamamayan. E bilyon ang nawawalang pondo araw-araw sa kaban ng bayan dahil sa korapsyon."

May kaugyanan: ‘PhilHealth mafia pocketed P15 billion ’

Ikinatatakot pa nina Adonis, baka lalo pa diumano abushin ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan upang mang-aresto ng mga "violators" oras na maipatupad ito.

Aniya, mainam na maisama bilang parte ng COVID-19 response ang libreng pamimigay ng protective equipment, pagpigil sa mga panghuhuli at libre't ligtas na transportasyon na pwedeng ibigay ng DOTr.

Kanina lang nang kumpirmahin ni Transport Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na sasaklawin ng kautusan ang mga sumasakay sa mga tren, barko, eroplano maging tricycle.

Pero sabi naman ni Renato Reyes Jr., secretary-general ng BAYAN, hindi malayong samantalahin daw ito ng ilang negosyante, bagay na ikatatalo raw ng konsyumer.

"Ngayong mandatory na ang face shields sa public transpo, malamang tataas ang presyo ng face shields, magkakaubusan  ng supply at magkakahirapan ng access," sabi ng militanteng lider.

"Bago gawing mandatory, tiyakin muna na lahat may access lalo na yung pinakamahirap na mga commuters."

Ngayong mandatory na ang face shields sa public transpo, malamang tataas ang presyo ng face shields, magkakaubusan  ng...

Posted by Renato Jr. Reyes on Wednesday, August 5, 2020

Ayon kay Sen. Imee Marcos, naglalaro sa pagitan ng P30 hanggang P40 ang presyo ng face shield. Sa kabila niyan, napapabalitang sisirit ito mula P60 hanggang P65 kada piraso.

Nagamit na raw sana ito pambili ng pagkain gaya ng noodles. Kwinekwestyon din ni Marcos kung hindi pa sapat ang physical distancing, pagsusuot ng face masks at barriers na nakalagay sa loob ng mga sasakyan.

Kahapon lang nang ibalita ng Department of Health (DOH) na umabot na sa 115,980 ang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 2,123 na ang namatay.

Wala pa ring nangyayaring "mass testing" magpahanggang sa ngayon, kahit nasa 2000 hanggang 6000 ang inaakyat ng mga kaso araw-araw.

DOH: Hindi dagdag pasakit

Sa kabila ng mga apela ng nasabing grupo, sinabi kahapon ni Transport Secretary Artur Tugade na huwag sanang tignan bilang pabigat ang nasabing kautusan.

"Sa mga kababayan ’ho natin, huwag sana nating isipin na panibagong gastusin o dagdag abala ang pag-require natin sa paggamit ng face shield," wika niya kahapon.

"Let us remember that no amount of protection is too much when it comes to health and safety, especially that we are battling an invisible enemy. What we are addressing is not a transport issue but rather a health issue. Kaya nga ‘ho hinihingi ko ang kooperasyon ng bawat isa," paliwanag niya.

Kahit bawal pa rin ang tren, bus, jeep at iba pang pampublikong transportasyon sa mga modified enhanced community quarantine (MECQ) areas gaya ng Metro Manila, pwede namang pumasada ang mga ito sa mga general community quarantine (GCQ) at modified GCQ areas. Pinapayagan din sa ngayon ng ilang local government units ang mga tricycle, pedicab at e-trike sa ilang lungsod na may MECQ, kasabay ng mga public shuttle ng mga nagtratrabaho. 

Bagama't makatutulong bilang proteksyon, lalo na sa mata na kaya ring pasukin ng nakamamatay na virus, hindi naman daw mairerekomenda nang husto ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang paggamit ng face shields. Gayunpaman, pwede raw itong alternatibo, o gamitin kasabay ng masks.

"Face shields are not meant to function as primary respiratory protection and should be used concurrently with a medical mask (for droplet precautions) or a respirator (for airborne precautions) if aerosol-generating procedure is performed," sabi ng CDC.

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN DEPARTMENT OF TRANSPORTATION IMEE MARCOS KILUSANG MAYO UNO NOVEL CORONAVIRUS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with