Litrato nina Illinois Rep. Jan Schakowsky at presidential spokesperson Harry Roque
Litrato mula sa schakowsky.house.gov at The STAR/KJ Rosales, File
50 US solons ipinababasura ang anti-terror law; Palasyo umalma, 'wag raw makialam
(Philstar.com) - July 16, 2020 - 3:32pm

MANILA, Philippines — Nagsama-sama ang lagpas apat na dosenang Amerikanong mambabatas upang manawagan sa tuluyang mabawi ang pagkakapasa ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020, bagay na nakikita nilang tatapak diumano sa demokrasya ng Pilipinas.

Ang panawagan ay pinangunahan ni Illinois Rep. Jan Schakowsky, Senior Chief Deputy Whip ng U.S. House of Representatives, kasama ang 49 iba pa.

"We stand with people of the Philippines, Filipino Americans, and grassroots orgs like Malaya Movement and ICHRP-US in demanding a genuine democracy where dissent is accepted and encouraged instead of criminalized," sabi ni Schakowsky sa pahayag na ibinigay sa mga reporters, Huwebes.

"In the past four years, Duterte has unleashed state perperpated terror against poor Fililpinos, farmers, workers, Indigenous peoples, people of faith, trade unionists, and human rights defenders. Only through an organized mass movement can we defeat Duterte's dictatorship."

Ilang protesta na ang inilunsad sa Pilipinas tutol sa naturang batas, lalo na't sa lawak nito, tila kaya ring targetin pati ang mga kritiko ng gobyerno. May mga probisyon din ito gaya ng 24 araw na pagkakakulong ng mga "suspect" kahit na wala pang kasong naihahain sa korte, kasama ng mga warrantless arrests.

Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?

May kinalaman: ‘Anti-terror’ bill defines terrorism vaguely but has clear and specific dangers

Nagpadala na ng liham si Schakowsky kay Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez para iparating ang kanilang pagtutol, lalo na't dumarami diumano ang extrajudicial killings at human rights violations sa nakaraang apat na taon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa liham nina Schakowsky, sinabing may "mahabang track record" ng drug laws at martial law sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas na nagamit na noon laban sa mga aktibista, kung kaya't marapat lang daw na mabahala sila sa ibayong dagat.

Ilan pa sa mga lumagda sa liham ay ang chair and Ranking Members ng House Foreign Affairs Committee na sina Eliot Engel (D-NY) at Chris Smith (R-NJ), maging ang chair ng Congressional Asian Pacific Caucus na si Judy Chu (D-CA).  

"We see the targeted killing of labor rights and human rights activists, silencing of Rappler media outlets, ongoing attacks against any who dare to speak out against Duterte’s violence and trampling of rights. We are telling them these egregious attacks cannot stand," ani Chu, na dati nang tumutol sa tangkang pagpatay sa kay Brandon Lee, isang US citizen na tinarget sa kanilang bahay sa Cordillera noong 2019.

Pinasalamatan naman ng abogado at Bayan Muna chairperson Neri Colmenares ang mga US representatives sa pagpapakita nila ng simpatya, habang itinutulak ang Philippine Human Rights Act pansalag sa mga atake.

Palalasyo: 'Wag na kayong manghimasok

Hindi naman nagustuhan ng Malacañang ang pakikisangkot na ito ng American lawmakers sa Pilipinas. Aniya, hindi na nila tayo teritoryo kung kaya't wala na silang kontrol sa pulitika ng bansa.

"Matagal na pong independyente ang bansang Pilipinas sa Amerika... Nasa hukuman na po 'yan... [W]e could rely on the judicial system to rule on the constitutionality of the anti-terror law," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang virtual briefing, Huwebes.

"'Wag na po kayong manghimasok. Hindi na po namin kayo colonial masters. Independiyenteng bansa na po kami."

Diin pa niya, tila nakalimutan na raw ng U.S. congressmen na hindi na nila kolonya ang Pilipinas at dapat nang hayaang magdesisyon ang hudikatura kung may mga tutol sa batas.

Kanina lang nang ihain ang ika-9 na petisyon sa Korte Suprema para mahinto ang anti-terrorism law, bagay na magiging epektibo pagsapit ng Sabado.

Ilang grupo, guro at abogado na rin ang naunang humamon dito sa Kataas-Taasang Hukuman, sa dahilang paglabag diumano sa 1987 ang ilang probisyon nito, gaya na lang ng mga kapangyarihang igagawad sa Anti-Terrorism Council na siyang para lang daw sa hudikatura. — James Relativo

ANTI-TERRORISM LAW HARRY ROQUE HOUSE OF REPRESENTATIVES JAN SCHAKOWSKY UNITED STATES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with