MANILA, Philippines — Plano ngayon ng Department of Tourism (DOT) na payagang makapagbakasyon ang mga dayuhang turista sa mga destinasyon na wala o may mababang kaso ng COVID-19.
Tinawag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na ‘travel bubbles o travel corridors’ na isa sa kanilang aksyon para unti-unting mapalakas ang industriya ng turismo ng bansa.
Ang travel bubbles ay ang kasunduan ng mga piling bansa na tumanggap ng mga biyahe papasok sa kani-kanilang border. Sa ilalim nito, ang mga biyahero ay ‘di na sasailalim sa quarantine o kaya ay dadaan sa maiksing panahon lang ng quarantine.
Mga turista buhat sa mga bansa na wala o maliit ang kaso ng COVID ang plano nilang payagan na makapunta ng Pilipinas sa mga lugar na wala o mababa rin ang kaso tulad ng Boracay at Bohol, maging ang Palawan.
Tinitignan ng DOT ang mga bansang Australia at New Zealand na maaaring magtungo sa Boracay at Bohol.
Ilan sa mga bansang matunog sa travel bubbles ay ang Thailand, Singapore, China, South Korea, Vietnan, Japan, Australia at ang New Zealand.