Angkas sa motorsiklo tinabla ni Duterte

Sinabi rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na malupit ang batas pero wala siyang magagawa at hindi niya maaaring balewalain ang batas kahit pa siya ang Pangulo.
King Rodriguez/Presidential Photo, file

MANILA, Philippines — Tinabla kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga request na payagan na ang pag-angkas sa motorsiklo ng mga magkamag-anak lalo na ng mag-asawa.

Ayon sa Pangulo, gusto man niyang pagbigyan ang hiling ni Cebu Gov. Gwen Garcia at board members ng Cebu City, maaari naman siyang makasuhan ng graft and corruption kung papaboran ang mga ito at hindi papayagan ang pag-angkas sa motorsiklo sa ibang lugar.

Sinabi rin ni Duterte na malupit ang batas pero wala siyang magagawa at hindi niya maaaring balewalain ang batas kahit pa siya ang Pangulo.

Nauna rito, ipinabatid ni Sen. Bong Go kay Interior Sec. Eduardo Año na maraming nagtatanong sa Senado tungkol sa pag-angkas sa motor ng magkakamag-anak.

Pero ayon kay Año hindi makakasunod sa physical distancing at sa minimum health standards ang magka-angkas sa motor.

Kahit sa loob ng tahanan ay dapat may physical distancing dahil posibleng ang isa ay magkaroon ng virus pagpasok sa opisina at madala sa bahay.

Maaari aniyang pa­yagan ang pag-angkas sa motor kapag “zero cases” na o wala ng COVID-19.

Show comments