Anti-Terror Bill, hindi anti-human rights - DILG

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, layon ng Anti-Terrorism Bill na burahin na ang lahat ng uri ng terorismo sa bansa.
Philstar.com/Erwin Cagadas Jr., file

MANILA, Philippines — Nanindigan kahapon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi anti-human rights ang Anti-Terror Bill at sa halip ay pinoprotektahan nito ang mga karapatan ng mga inosenteng tao mula sa mga terorista.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, layon ng Anti-Terrorism Bill na burahin na ang lahat ng uri ng terorismo sa bansa. 

“Walang dapat ikatakot ang mga tao dito. Mga terorista at kanilang mga tagasuporta lamang ang dapat matakot dito,” ayon kay Año.

Wika niya, ang terorismo ay banta na nangyayari hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga magmumungkahi, magbubuyo, magsasabwatan at makikibahagi sa pagpaplano, pagtuturo, paghahanda at pagbibigay-daan sa mga gawaing terorista, at ang mga mag-aambag at magre-recruit ng mga kasapi sa mga teroristang grupo ang mga papatawan ng parusa ng panukalang batas.

Itinanggi rin ng kalihim na sisikilin ng Anti-Terror Bill ang karapatan ng mga taong magpahayag ng kanilang saloobin laban sa pamahalaan. 

“Terrorism shall not include advocacy, protest, dissent, stoppage of work, industrial or mass action, and other similar exercises of civil and political rights,” aniya pa.

Nilinaw naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi itinuturing na terorista  ang mga kritiko o bumabatikos sa pamahalaan lalo na ang nagsasagawa ng “peaceful protest”.

Makukulong ng 10 taon ang sinumang alagad ng batas na lalabag sa karapatan ng mga taong makukulong.

Show comments