Recruitment, training programs ng PNP balik na sa Hunyo 1

MANILA, Philippines — Magbabalik na ang mandatory career training courses at recruitment program ng Philippine National Police (PNP) simula sa Lunes, June 1.

Naglabas si Police Maj. Gen. Amador Corpus, director ng Human Resource Doctrine and Development, ng bagong panuntunan sa pagsasagawa ng PNP mandatory career courses at training sa ilalim ng tinatawag na ‘new normal.’

Magbabalik na rin ang recruitment program sa pamumuno ng PNP Recruitment and Selection Service (RSS) sa kaparehong petsa.

Kabilang sa mga panuntunan ang mahigpit na pagsunod sa social distancing at pagsusuot ng face mask, pagpapatupad ng minimum health standards ng PNP Health Service, pagbabawal sa paghiram ng mga personal na gamit tulad ng ballpen, phones, notebooks, laptops at iba pa.

Ani Corpus, magsasagawa ng inspeksyon sa mga lugar kung saan gagawin ang training courses para matiyak na sasailalim sa proper disinfection laban sa COVID-19.

Kailangan din ani­yang magkaroon ng medical clearance mula sa PNP Health Service.

Nilinaw naman ng PNP-RSS na ang pagbabalik ng recruitment program ay para lamang sa PNP applicants na may pending medical, dental, neuro-psychia­tric, at drug test examinations bilang bahagi ng screening process.

Show comments