Sa ika-3 taon ni De Lima sa preso, senadora naninindigang inosente siya

"Hayaan niyong ulitin ko: INOSENTE ako sa gawa-gawang drug charges laban sa akin. Maaaring hindi ako perpekto, pero ni minsan, hindi ko pinagtaksilan ang tungkulin bilang lingkod-bayan," sabi niya sa Inggles.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Patuloy na itinatanggi ni Sen. Leila de Lima ang pag-uugnay sa kanya ng administrasyon sa kalakalan ng droga ngayong umabot na siya nang tatlong taon sa likod ng rehas ngayong araw.

Ika-24 ng Pebrero, 2017 nang ipaaresto ng Muntinlupa Regional Trial Court ang senadora matapos siyang iugnay ng gobyerno sa diumano'y kalakalan ng illegal narcotics sa New Bilibid Prison.

Umabot sa tatlong kasong kriminal ang inihain sa kanya ng Department of Justice, na dati niyang pinamunuan.

"Hayaan niyong ulitin ko: INOSENTE ako sa gawa-gawang drug charges laban sa akin. Maaaring hindi ako perpekto, pero ni minsan, hindi ko pinagtaksilan ang tungkulin bilang lingkod-bayan," sabi niya sa Inggles.

Ayon pa sa senador, ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkakabilanggo ay hindi dahil nagkasala siya, ngunit dahil sa paghihiganti diumano ng "ganid" na Presidente.

Kilalang kritiko ng iba't ibang polisiya ni Duterte si De Lima, kasama na rito ang isyu ng "war on drugs" at karapatang pantao.

"Kung seryoso niyong titignan ang detalye ng mga kaso ko, kasama ang mga katawa-tawang testimonya ng mga tumestigo laban sa akin — makikita niyong biktima lanmg ako ng political persecution," dagdag niya pa sa pahayag na binasa ng kapatid na si Vicente de Lima II sa De La Salle University.
 
Inirereklamo rin siya sa diumano'y pagtanggap ng pera sa mga drug convicts kapalit ng proteksyon noong kalihim pa siya ng DOJ.

Mayroon na siyang 68 naiakda at "co-authored" na panukalang batas at 31 resolusyon sa ika-18 Konggreso kahit nakakulong. 

Sa mga nagdaang taon, patuloy na nakatanggap ng suportang internasyonal si De Lima, kasama na riyan ang pag-adopt ng bipartisan resolution ng United States Senate na nagpapataw ng parusa sa mga opisyal na sangkot sa pag aresto.

Noong nakaraang Disyembre rin nang pirmahan ang US Fiscal Year 2020 State and Foreign Operations Appropriations Bill ni US President na si Donald Trump. Kasama roon ang pagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na may kaugnayan sa "maling pagkakakulong" ng lawkmaker sa kanilang bansa.

Sa kabila ng patong-patong na kasong isinasampa kay De Lima, sinasabing anim na hukom ng Muntinlupa Regional Trial Court na ang umatras o biglaang nagretiro kaysa dinggin ang kanyang kaso.

'Nakakulong pero malaya'

Hindi naman nauubusan ng pag-asa ang nakapiit na opposition figure sa kabila ng kinasasapitan.

Sa ngayon, tinitignan daw niya ang sarili bilang "malaya" at "defender" ng karapatang pantao — hindi bilang isang biktima.

"Ngayong araw, idinedeklara ko ang sarili bilang malaya. Kahit na pisikal akong nakakulong, pinakamalaya ang pag-iisip ko sa ngayon; buo ang dignidad ko; at matatag na matatag ang kagustuhan kong protektahan ang interes ng mga Pilipino," sabi pa niya sa isang international forum noong Biyernes.
 
"Hindi ako biktima. Hindi ako basta survivor. Hindi ako basta lumalaban. Manananggol ako." — Philstar.com intern Krizzia Mae Furio

Show comments