Sa reklamo ng mga manggagawang nakatakas, sinabi ring napupunta sa maluhong buhay ni Quiboloy at operasyon ng simbahan ang perang nalilikom para sa Children's Joy Foundation USA, na sana'y pupunta raw sa mahihirap.
File
FBI sinalakay ang simbahan ni Quiboloy sa US, 3 dinakip sa 'immigrant trafficking scam'
(Philstar.com) - January 30, 2020 - 12:45pm

MANILA, Philippines — Ni-raid ng mga miyembro ng Federal Bureau of Investigation ang simbahan ni Apollo Quiboloy sa Los Angeles, dahilan para maaresto ang tatlong administrador ng parokya na diumano'y sangkot sa pag-traffic ng mga tagasunod bilang parte ng isang fundraising scam.

Miyerkules nang umaga nang i-raid ng Federal agents ang Kingdom of Christ Church kaugnay ng human trafficking investigation, ulat ng CBS Los Angeles at ABS News.

Ikinaaresto ito nina Guia Cabactulan at Marissa Duenas, na humahawak daw sa mga maanomalyamng immigration documents sa Van Nuys. Inaresto naman si Amanda Estopare sa Virginia, na diumano'y humahawak ng mga fundraising quota.

"'Yung tatlong hawak namin ngayong araw ay dinakip para sa papel nila sa immigration fraud. Ang paniwala namin, kinukuha nila ang mga pasaporte ng ilang indibidwal na pumapasok sa Estados Unidos mula sa Pilipinas," sabi ni FBI spokesperson laura Eimiller sa Inggles, sa panayam ng CBS Los Angeles.

Ayon sa mga ulat, isinumbong ng ilang migranteng nakatakas mula sa simbahan na ipinadadala sila sa iba't ibang bahagi ng Estados Unidos para manghingi ng donasyon buong taon para sa charity ng simbahan. Nakararanas daw sila ng pang-aabusong pisikal at sikolohikal oras na hindi nila maabot ang quota.

Sa reklamo ng mga manggagawang nakatakas, sinabi ring napupunta sa maluhong buhay ni Quiboloy at operasyon ng simbahan ang perang nalilikom para sa Children's Joy Foundation USA, na sana'y pupunta raw sa mahihirap.

"Pinepwersa nila ang mga taong ito, minsan para magtrabaho buong araw, para mangolekta ng perang pupunta dapat sa mahihirap na bata sa Pilipinas, pero ang totoo ay napupunta lang 'yun sa maluhong pamumuhay ng mga pinuno nila," ani Eimiller.

Ayon sa Federal investigators, nasa $20 milyon ang naipadala sa simbahan sa Pilipinas sa pagitan ng 2015 at kalagitnaan ng 2019.

Anak ng Diyos?

Kilalang kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Quiboloy, na hinirang ang sarili bilang "Appointed Son of God," sa loob ng 30 taon. 

Nitong Oktubre, ilan sa mga mirakulong sinabi niyang kanyang ginawa ay ang pagpigil sa isang malakas na lindol sa Mindanao.

Noong 2018, inaresto ang lider ng Hawaii branch ng kanilang simbahan na si Felina Salinas dahil sa pagpupuslit ng pera sa isang pribadong eroplano sa Honolulu. Saglit na nakulong si Quiboloy dahil dito, na noo'y nakasakay din sa eroplano.

Natagpuan sa nasabing eroplanong patungo sa Pilipinas ang $350,000 at ilang parte ng baril.

Dati nang iniulat ng Hawaii News Now noong Oktubre 2018 ang pag-akusa ni Kristina Angeles, dating miyembro ng simbahan, kay Quiboloy ng pagpapatakbo ng isang "child sex ring." — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico 

APOLLO QUIBOLOY FEDERAL BUREAU OF INVESTIGATION HUMAN TRAFFICKING SCAM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with