Kung tuluyan itong makalulusot, kukundenahin na rin ng Senado ng Estados Unidos ang aniya'y "state-sanctioned extrajudicial killings" ng mga pulis at iba pa kaugnay ng war on drugs ni Duterte.
The STAR/Miguel De Guzman, File
Resolusyong humihingi ng paglaya ni De Lima, pasado sa US Senate committee
James Relativo (Philstar.com) - December 12, 2019 - 1:41pm

MANILA, Philippines — Pumasa sa isang US Senate commiittee ang resolusyong nananawagan na paglaya ni Sen. Leila de Lima at pagbasura sa mga kaso ng Rappler chief executive officer Maria Ressa.

Kasama sa mga nagkumpirma ng balita ay sina US Senators Edward Markey at Richard Durbin sa Twitter.

"Glad to see Senate Foreign Relations Committee pass @SenMarkey's resolution, that I proudly cosponsored, calling on the government of the Philippines to end the troubling detention of Filipina Senator Leila de Lima and harassment of @rapplerdotcom journalist Maria Ressa," ani Durbin.

Ayon kay Markey, tanging pagtindig sa karapatang pantao at mahusay na pamamahala ang bukod tanging krimen ni De Lima, na ipiniit taong 2017 dahil sa drug charges.

"Today’s passage of my resolution out of  @SenateForeign demonstrates broad support for accountability in her case and with others," sabi niya.

Tinatrato ng pamahalaan ang mga ganitong uri ng resolusyon bilang panghihimasok sa soberanya ng Pilipinas. Nagsabi na rin si Pangulong Duterte na hindi siya magsasalita tungkol sa reslusyon dahil hindi pa naman daw ito ipinapasa ng buong US Senate.

Maliban sa pagbabasura sa mga kaso laban sa dalawa, nananawagan din ang US Senate Resolution 142 na kilalanin ng gobyerno ng Pilipinas ang kahalagahan ng human rights defenders at hayaan silang makapagtrabaho nang walang takot.

Kilala si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbira sa mga human rights groups sa publiko, sa dahilang sagabal daw sila sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.

Sabi pa ng resolusyon, mahalagang mapalaya si De Lima upang magampanan niya nang mahusay ang trabaho bilang senador.

"That the Senate calls on the Government of the Philippines to immediately release Senator De Lima, drop all charges against her, remove restrictions on her personal and work conditions, and allow her to fully discharge her legislative mandate, especially as Chair of the Committee on Social Justice."

Mahigit 1,000 araw nang nakakulong ngayon si De Lima, na tinawag na "prisoner of conscience" ng resolusyon, habang nananatili namang malaya si Ressa matapos maghain ng piyansa.

Kung tuluyan itong makalulusot, kukundenahin na rin ng Senado ng Estados Unidos ang aniya'y "state-sanctioned extrajudicial killings" ng mga pulis at iba pa kaugnay ng war on drugs ni Duterte.

Inuudyok din nito ang administrasyong Duterte na garantiyahan ang kalayaan sa pamahahayag. 

Humaharap sa kritisismo ng international community si Duterte dahil sa kanyang pagtrato sa isyu ng human rights at freedom of the press, dahilan para birahin siya ng U2 frontman na si Bono — na tumugtog pa lang sa Pilipinas kagabi.

Ipinagtanggol naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang presidente mula kay Bono, at sinabing nirerespeto ng presidente ang karapatang pantao at pamamahayag.

Nakatakdang matapos ni International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda ang preliminary examination sa mga diumano'y "crimes against humanity" ni Duterte sa 2020.

Pasasalamat ni De Lima

Ikinalugod naman ng senadora ang iginigulong ng nasabing resolusyon sa Amerika sa kanyang "Dispatch from Crame 673."

"Matagal na akong naniniwala sa pagtindig sa mga pinaniniwalaan at pakikipaglaban para sa kung ano ang totoo at tama, dahil maraming kaibigan sa buong daigdig ang karapatang pantao," sabi niya sa Inggles.

"Salamat po, U.S. Senate Foreign Relations Committee para sa S. Res. 142."

FREEDOM OF THE PRESS HUMAN RIGHTS LEILA DE LIMA MARIA RESSA RODRIGO DUTERTE UNITED STATES SENATE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with